TATLO katao ang bahagyang nasugatan habang tinatayang 60 bahay ang nilamon ng apoy at 200 pamilya ang nawalan ng tirahan sa naganap na sunog sa Bonifacio Global City, Taguig City, nitong Miyerkoles.
Hindi binanggit sa report ng pulisya ang mga pangalan ng sugatang biktima.
Ayon sa ulat ng Taguig City Bureau of Fire Protection, nagsimula ang pagsiklab ng apoy sa isang informal settlers community sa Zone 7, Mini-Park, BGC, malapit sa SM Aura dakong 5:00 pm nitong Miyerkoles.
Ayon sa isa sa mga residente na si Merly, nagsimula ang apoy mula sa inuupahang kuwarto malapit sa kanilang bahay.
Sinabi ng isa sa mga nasunugan na si Grace Ojeda, nakita niya sa bintana ang makapal na usok at malakas na apoy, dahilan upang tumakbo siya kasama ang kanyang mga anak palabas ng kanilang bahay.
Dahil gawa sa light materials, mabilis na kumalat ang apoy at agad tinupok ang mga kabahayan.
Umabot sa Task Force Alpha ang naturang sunog habang 20 fire trucks ang nagresponde para apulain ang malakas na apoy.
Pansamantalang namamalagi sa tent ng basketball court at barangay hall ang mga pamilyang apektado ng sunog.
(JAJA GARCIA)