NANAWAGAN si Pangulong Rodrigo Duterte sa sambayanang Filipino, ipagpatuloy ang inumpisahang laban ng Ama ng Himagsikan na si Gat Andres Bonifacio upang ganap na lumaya ang bansa sa kuko ng katiwalian, kriminalidad, at ilegal na droga.
Sa kanyang Bonifacio day message, binigyan-diin ng Pangulo, tungkulin ng bawat Filipino na bigyang buhay ang mga adhikain ni Bonifacio at himukin ang pagsibol ng pangkalahatang kamalayan at pagmamahal sa bayan.
Anang Pangulo, bilang tagapagmana ng rebolusyon, marapat lamang na pangalagaan ang mga mithiin, kaugalian at pamumuhay ng mga Filipino.
Iginiit niya, habang nagsusumikap ang bawat isa na makamtan ang mapayapa, maayos at maginhawang buhay, hindi dapat kaligtaan ang hangarin na maging mas maunlad at mas progresibo ang Filipinas.
Gaya ni Bonifacio, dapat pang pag-alabin ng bawat Filipino ang sulo ng pagbabago na magdadala ng tunay at maka-buluhang pagsulong ng Filipinas.
(ROSE NOVENARIO)