MATAPOS mahulog mula sa departure level ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1, idineklarang ligtas na ang 5-anyos batang lalaki, kahapon.
Isinugod sa San Juan de Dios Hospital ang batang si Muhammad Alif Bin Azizan, isang Malaysian national na patungong Jeddah, Saudi Arabia kasama ang kanyang mga kamag-anak, nang mahulog mula sa tinatayang 12 talampakan at lumagpak sa arrival concourse level 8:22 ng umaga kahapon.
Sa ulat, natagpuan ng isang security guard ang bata sa lapag na umiiyak at namimilipit sa sakit at nagdurugo ang labi.
Sa dagdag na medical report, nagkabukol sa ulo at gasgas sa kanyang noo at baba ang biktima.
Ayon kay Jess Martinez ng MIAA media affairs division, nakita ng ilang nakasaksi na naglalaro ang bata at sumampa sa maikling partisyon ng gusali na hindi alam ng kanyang mga kamag-anak.
Aksidenteng dumulas ang isang paa nito hanggang malaglag sa malambot na bahagi ng arrival concourse na natatakpan ng makapal na carpet.
Napaulat na hinimatay ang 66-taong gulang na lolo ng biktima nang malaman ang insidente.
Binigyan ng first aid ng MIAA medical staff ang bata bago isinugod sa ospital. (GMG)