IKA-154 taon ng kapanganakan ngayon ng isa sa mga Dakilang Bayani ng sambayanang Filipino — si Gat Andres Bonifacio.
Si Gat Andres ay mas kilalang bayani ng mga anakpawis na Filipino — mga manggagawa at magsasaka.
Kaya nga, higit kay Dr. Jose Rizal, si Bonifacio ang petmalung lodi ng mga anakpawis.
Kahit nga sa paglaon ay maihahayag sa kasaysayan na hindi naman dahop ang estado ng pamilya Bonifacio dahil nakatuntong siya ng kolehiyo.
Hindi ba’t nabasa pa nga niya ang French Revolution na naging inspirasyon niya para kumilos at mag-organisa at maging isa sa susing tao sa pagbubuo ng Katipunan?!
Ngayong araw nga, ipagdiriwang ang kanyang kaarawan at gaya ng nakagawian, tampok rito ang rally o pagkilos o demonstrasyon ng iba’t ibang militanteng organisasyon.
Pero sa pagkakataong ito, hindi lamang mga militante ang magra-rally, balita natin lalahok din sa pagkilos ang mga DDS mula sa batayang sektor kasama ang kanilang mga sikat na lider.
Ang transport group naman, ang paglahok sa rally ngayong araw ay tila hudyat ng tuloy-tuloy na ‘welga’ nila sa Lunes at Martes (4-5 Disyembre 2017) laban sa phase-out ng jeepneys bilang isa sa moda ng transportasyons a bansa.
Habang ang mga natitirang sector ay manonood sa mga kaganapan…
Aling grupo ang marami at sustenable, aling grupo ang tila makikipag-show of force lang at aling grupo ang sisipsip lang sa pangulo?!
By the way, magbigay-pugay naman kaya ang illegal terminal sa Plaza Lawton at Liwasang Bonifacio ngayong araw ng pagsilang ni Gat Andres?!
O tuloy lang ang ligaya sa illegal terminal na sakop ng Barangay 659-A sa Ermita, Maynila?!
‘Yan po ang aabangan natin!
ENDO SA NAIA
WINAKASAN
NI GM MONREAL
MAGANDANG balita sa mga building maintenance na matagal nang nagtatrabaho sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals pero hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nareregular.
Simula sa 16 Disyembre 2017, magkakaroon na sila ng bagong employment status at makatatanggap na ng mga benepisyo alinsunod sa napagkasunduan sa pagitan ng Manila International Airport Authority (MIAA) at service providers na nanalo sa bidding.
Lahat ng job order personnel (JOP) na may kabuuang bilang na 1057, sa apat na terminal ng NAIA ay makatatanggap na ng 13th month pay, health benefits, at Social Security System (SSS) contribution sa susunod na buwan.
Isang malaking karangalan para kay MIAA GM Ed Monreal na sa kanyang administrasyon magwawakas ang “contractualization” o palasak na tinatawag ng mga manggagawa bilang ENDO.
Ayon kay GM Monreal, bahagi ito ng plano ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na wakasan ang “ENDO” partikular sa mga tanggapan ng gobyerno.
Isinagawa ang bidding nitong nakaraang Oktubre sa pamamagitang ng open competitive procedures na ang tatlong magkakaibang winning bidding para sa terminals 1, 2, 3, at 4, ay sumang-ayon na ibigay ang mga nararapat para sa building attendants.
Kabilang sa mga sinang-ayonan ang tuloy-tuloy na status ng manggagawa sa loob ng tatlong taon at ang kontrata ay maaaring i-renew maliban kung ang empleyado ay may mga nilabag at palagian ang pagliban.
Heto pa ang isang magandang balita, ayon kay GM Monreal, ang bagong kontrata ay walang age limit.
Maaaring makapag-apply kahit may edad na basta’t kaya pa niyang makapagtrabaho.
Pinayohan ng MIAA ang winning bidders na ikonsidera ang mga manggagawa na may mga seryosong violations hanggang anim na buwan bago sila pakawalan.
Sa kabuuan, mayroong 356 building attendants sa terminal 1; 272 sa terminal 2; sa terminal 3 ay 372 habang 57 sa terminal 4.
Kung hindi tayo nagkakamali, halos 10 taon o mahigit pa ang mga building maintenance sa NAIA.
Ang iba nga ay halos 15 taon nang nililinis ang mga palikuran ng pangunahing paliparan ng bansa.
Kay GM Monreal, maraming salamat po!
Isa kang huwarang pinuno ng Duterte administration.
At kay Tatay Digong, padayon, Mr. President!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap