ILULUNSAD ng transport group ng kanilang ikaapat na transport strike sa 4-5 Disyembre 2017 upang tutulan ang jeepney modernization program ng gobyerno sa darating na Enero 2018.
Kinompirma ito kahapon ni George San Mateo, presidente ng Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper Operators Nationwide (PISTON).
Ayon sa ulat, nakatakdang ipatupad ng gobyerno ang modernization program sa Enero 2018 at uunahin ang jeep na aalisin sa kalsada, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon sa ahensiya, ang naturang hakbangin ay dahil sa mahigpit na kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Base sa MMDA, ang transport modernization program ang isa sa mga nakikitang solusyon ng pamahalaan upang lumuwag ang daloy ng mga sasakyan sa mga lansangan ng Metro Manila, u-pang maging malinis ang hangin at para makaiwas sa polusyon.
Ang hakbanging ito ng pamahalaan ay mariing binatikos ng transport group dahil papatayin anila ang kabuhayan ng jeepney drivers.
Nitong nakaraang buwan, naglunsad ng dalawang araw na tigil-pasada ang naturang grupo.
Sa nakatakdang jeepney strike ay inaasahang handa ang MMDA.
(JAJA GARCIA)