IPAHAHANAP, paiimbestigahan at ipaa-authenticate ng Palasyo ang video footage na nagpakita nang walang-awang pagpatay ng mga pulis-Maynila sa isang pinaghihinalaang drug pusher.
“I will look at the video in my capacity as Presidential Adviser on Human Rights. But I will have to find the video and it will have to be somehow authenticated,” ani Presidential Spokesman Harry Roque sa press briefing kahapon sa Palasyo.
Giit ni Roque, hindi kokonsintihin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga abusadong pulis kaya’t sinisiyasat ng mga awtoridad ang naturang insidente.
“I assure you that the President will not tolerate any abuses that may be committed by some personnel of the PNP (Philippine National Police),” aniya.
Inilabas ng Reuters kamakalawa ang isang investigative report na nagdetalye sa umano’y anti-illegal drugs operation ng mga pulis-Maynila sa Brgy. 19 sa siyudad.
Anang Reuters, batay sa apat na security cameras, noong 11 Oktubre 2017 isinagawa ng mga pulis ang operasyon o isang araw makaraan alisin ni Duterte sa PNP ang kontrol sa drug war.
Nakita sa video ang mga pulis na nakasibilyan, armado at nakasuot ng vest, ay hinawi ang mga tao sa eskinita at binaril si Rolando Campo, isang umano’y drug pusher.
(ROSE NOVENARIO)