ARESTADO ng mga pulis ang tatlong hinihinalang miyembro ng Ipit gang makaraan biktimahin ang isang negosyanteng babae sa loob ng pampasaherong bus sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Nakapiit sa Malabon City police ang arestadong mga suspek na sina Jhelmar Franco, 20; Mark Joshua Fuentes, 19, at Angelo Pioquid, 22, pawang mga residente sa Batasan Hills, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni PO3 Randy Billedo, sakay ng pampasaherong bus si Malona Basas, 37, ng Carlos St., Brgy. Apolonio, Quezon City.
Ngunit nang bumaba siya sa McArthur Highway sa Brgy. Potrero dakong 10:45 pm hinarang siya ni Franco habang ginitgit siya ni Fuentes at kinuha ang kanyang cellphone, na P38,000 ang halaga, at wallet na may lamang P5,000.
Nang mapansin ni Basas na nawala ang kanyang wallet at cellphone ay kinompronta niya si Fuentes ngunit agad ipinasa ang mga nakolimbat kay Franco.
Bunsod nito, humingi ng tulong ang biktima sa iba pang mga pasahero na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang suspek.
Dinala ang dalawa sa Police Community Precinct (PCP-2) ngunit bago isailalim sa imbestigasyon ay dumating si Pioquid na sakay ng Toyota Revo (XBH-387).
Habang nag-uusap ay may ibinigay si Fuentes kay Pioquid na pagkaraan ay nagmamadaling umalis sakay ng SUV.
Ngunit sinita si Pioquid ng mga pulis at nang buksan ang kanyang bag ay nakita ang cellphone at P5,000 na kinulimbat ng mga suspek sa biktima.
(ROMMEL SALES)