MARIIN ang panawagan ng mga mamamayang Muslim sa administrasyong Duterte na kung maaari ay maipasa na ang Bangsamoro Basic Law na magiging malaking kapakinabangan hindi lang ng mga Muslim sa Mindanao kundi sa buong rehiyon ng Mindanao.
Sa isinagawang Bangsamoro Summit sa Sultan Kudarat kamakailan, na dinaluhan ng libo-libong mga Muslim, government officials at ilan pang mga stake holders, nangako si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na maipapasa ang BBL sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Dahil dito ay nagpatawag na si Duterte ng special session para matalakay ang isinusulong na BBL na matagal nang nakasalang sa Kongreso ngunit hindi tuluyang maipasa-pasa.
Dapat ay panindigan ng pangulo ang pangako na maisabatas ang BBL para sa kapakinabangan ng kanyang mga kabababayan. Kahiya-hiya naman kung makalilipas ang kanyang administrasyon na walang nangyari rito.
Paano na lang ang kanyang mga pangako noon na hindi na dapat maisantabi ang mga kababayan niyang taga-Mindanao sa sandaling siya ang mapuwesto.
Dapat piliting mabuti ng pangulo ang Kongreso na bigyang pansin ito para sa kapakinabangan, katahimikan at katiwasayan ng buong Mindanao.