SINIMULAN ng Department of Energy (DoE) ang imbestigasyon sa naganap na pagliyab ng isang gasoline station sa Mandaluyong City, nitong Biyernes ng hapon.
Sinabi ng DoE, agad silang nagpadala ng technical team sa Petron gasoline station sa Shaw Boulevard sa Brgy. Wack-Wack makaraan ang insidente.
Ayon sa DoE, base sa initial findings, at upang matiyak ang proteksiyon ng publiko, nagrekomenda ang team ng pagpapawalang-bisa ng certificate of compliance (COC) ng nasabing gasoline station.
“The revocation of the COC results to the non-operation of the retail outlet until it fully complies to DoE’s Retail Rules,” ayon sa DoE.
Magugunitang tatlo katao ang nasugatan sa insidente.
Bukod sa mga sugatan, nasunog ang isang motorsiko at isang pribadong sasakyan.
Ayon sa inisyal na ulat, nagliyab ang gasoline station makaraan masagi ng isang backhoe sa malapit na construction site, ang isang “condemned” LPG tank.
Sinabi ng DoE, wala pang iniisyung final report ang team hinggil sa insidente.
“The DoE will not he-sitate to impose sanctions on the violations of safety standards based on the Retail Rules and the Code of Safety Practice,” dagdag ng DoE.