NITONG nakaraang Sabado, 25 Nobyembre 2017, tuluyang pinag-isang dibdib ang dalawang nagmamahalang nilalang sa katauhan nina Michael Ferdinand “Mouse” Marcos Manotoc at Carina Amelia “Cara” Gamboa Manglapus sa San Agustin Church, Paoay, Ilocos Norte.
Tunay na may kakaibang bertud ang pag-ibig dahil si Mouse ay apo ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at si Cara naman ay apo ni dating Senador Raul Manglapus. Sabi nga, napaghihilom ang anumang galit kapag sumisibol ang pag-ibig sa dalawang nagmamahalan.
Kung matatandaan, noong 1970s naging mortal na magkaaway sa politika sina Marcos at Manglapus. At dahil sa tindi ng bangayan ng oposisyon at administrasyon, tuluyang na-exile si Mangalpus sa Estados Unidos.
Kaya nga, masasabing naghilom na ang galit ng dalawang pamilya. Tuluyang nagkasundo ang Marcos at Manglapus dahil sa pag-iisang dibdib nina Mouse at Cara, at dahil na rin sa kanilang naging bungang supling na si Mia.
Si Cara ay 32-anyos, isang singer-songwriter at dating correspondent ng The Japan Times. Samantala si Mouse, 32-anyos ay isang abogado at anak ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos.
Isinunod ang kasal sa tradisyong Ilokano na mayroong “binatbatan” na nagpakita ng inabel weaving na isa sa mga heritage craft ng mga taga-Ilocos. Isa rin sa ginawa sa kasal ang panagmano, na ang principal sponsors at ibang natatanging panauhin ay magbibigay ng regalo sa mag-asawa.
Isinagawa ang pabitor, sayaw ng mag-asawa, at ang pagpapakita ng sayaw ng Ilocano culture na tinatawag na tadek o sayaw ng panliligaw na kalimitang ginagawa ng mga Tingguians, Yapayao, at Isneg.
Ang patupak, isang tradisyon ng mga Ilokano ay isinagawa rin sa pamamagitan ng pag-inom ng nakalalasing na basi at bugnay. Nakagawian na ang lahat ng titikim ng basi at bugnay ay kinakailangang magbigay ng pera at ang lahat ng malilikom ay magiging panimula ng bagong mag-asawa.
Pero ipinasiya nina Mouse at Cara na ang lahat ng malilikom na pera sa kanilang kasal ay kanilang ibibigay para sa rehabilitasyon ng Marawi City. Ito ay tulong ng bagong kasal sa mga pamilya na biktima ng giyera sa Marawi.
Masayang-masaya si Imee sa pag-iisang dibdib nina Mouse at Cara. Ang sabi nga ni Imee, labs na labs nila ang isa’t isa. Umaasa si Imee na madaragdagan pa ang kanyang apo sa mga araw na darating.
Kung titingnan, ang pagmamahalan nina Mouse at Cara ay parang kasal nina Ferdie at Imelda, at maihahambing sa kanilang naging pelikulang “Iginuhit ng Tadhana.”