INARESTO ng mga pulis-Del Gallego, Camarines Sur sa Fairview, Quezon City ang isang lalaking nagpakilalang miyembro ng New People’s Army.
Ayon sa mga pulis, nag-withdraw umano ng “extortion money” mula sa isang remittance center sa Fairview ang suspek na kinilalang si Alejandro Concepcion, 27-anyos.
Nagsagawa ng operasyon ang mga pulis-probinsiya batay sa reklamo ng mga negosyante sa Del Gallego laban sa mga NPA sa Camarines Sur na umano’y nang-e-extort ng pera sa kanila, at sinabing sa isang remittance center sa Quezon City ipinade-deposit ang pera.
Mahigit P100,000 umano ang na-withdraw ng suspek na idineposito ng mga negosyante ng bayan ng Del Gallego.
Sa paunang imbestigasyon, sinabi ng mga pulis na sa pamamagitan ang text message at tawag nanghihingi ng pera ang mga NPA at kung hindi papayag ang mga biktima ay tinatakot na prehuwisyo ang aabutin ng mga negosyo o papatayin sila.
Dahil sa mga reklamo ng mga negosyante, nagsagawa ang mga pulis ng operasyon sa Quezon City.
Nang mahuli, sinabi ni Concepcion na inutusan lamang umano siyang kumuha ng pera sa remittance center, at hindi niya raw alam na sa ilegal na paraan galing.
Maraming beses na raw siyang kumuha ng pera mula sa nasabing remittance center.
Sasampahan ng kasong robbery at extortion ang suspek.
Samantala, patuloy ang operasyon ng PNP Del Gallego upang mahuli ang mga kasama ng suspek, at naniniwala ang mga awtoridad na malawak ang operasyon ng grupo sa Camarines Sur.
Habang nanawagan ang PNP Del Gallego sa mga biktima ng extortion agad na magtungo sa kanilang tanggapan.
HATAW News Team