SIYAM katao ang sugatan, dalawa sa kanila ang nasa malubhang kalagayan sa pagamutan, makaraan magkarambola ang tatlong sasakyan sa Diosdado Macapagal Blvd., sa Pasay City, kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa ulat ni SPO4 Mario Inserto, ng Pasay Traffic Bureau, ang tatlong sasakyang sangkot sa karambola ay isang black Toyota Fortuner, may conduction plate VX 2767, isang L300 van, at isang tow truck.
Sinasabing habang binabaybay ng SUV ang Macapagal Blvd., nabangga nito ang L300 van at ang nakaparadang tow truck sa harap ng isang fast food chain.
Sa lakas ng impact, nawasak ang harapan ng SUV dahilan kaya malubhang nasugatan ang sakay nitong dalawang Chinese national na hindi pa nakukuha ang pagkakakilanlan.
Habang bahagyang nasugatan ang iba pang mga biktimang sina Jonel Siega, Marvin De Dios, at Kenneth Villanueva, 14, pawang sakay ng tow truck; at sina Reynante Flores at Nadia Paloma na lulan ng L300 van.
Nilalapatan ng lunas sa San Juan De Dios Hospital ang mga nasugatan.
Sinasabing nakainom ang driver ng SUV na si Ke Zhiquin na mabilis umano ang pagpapatakbo ng sasakyan na hinihinalang nawalan ng kontrol.
Bahagyang pinsala lamang ang dinanas ni Zhiquin habang ang isa pang pasahero na hindi pa kilala, ay nabalian ng buto sa balikat.
Nagsasagawa ng imbesigasyon ang pulisya hinggil sa insidente.
(JAJA GARCIA)