UMAASA si Vice President Leni Robredo na matitigil na ang pagpapalutang ng posibilidad na magtatag ng isang revolutionary government sa Filipinas at Martial Law matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na hindi niya gagawin ito.
Sinabi ni Robredo, isang ‘mabuting hakbang’ ang pahayag ng Pangulo “upang mapawi ang kahit anong takot at pag-aalala ng taong bayan na tayo ay mapapasailalim muli sa isang diktadurya.
“Umaasa tayo na matatapos din dito ang mga pahayag at panukala na kumakalat sa tradisyonal at social media na isantabi ang Saligang Batas, at bigyang-daan ang isang rebolusyonaryong pamahalaan,” aniya.
“Malinaw ang mensahe ng Pangulo para [sa] sambayanang Filipino — patuloy naming paninindigan at ipagtatanggol ang aming sinumpaang tungkulin, ang Saligang Batas, at ang ating demokrasya,” dagdag niya.
Kaugnay dito, idiniin ni Robredo na tungkulin nilang mga halal na opisyal na ipagtanggol at sundin ang Saligang Batas.
“Ang karapatang mamuno at mamahala ay nakaugat sa aming katapatan sa ating Saligang Batas, at sa mga demokratikong prinsipyo na nakapaloob dito,” wika niya. “Ang pagsasantabi sa Saligang Batas ay pagtalikod at pagtataksil sa aming sinumpaang tungkulin. Pinawawalang-bisa rin nito ang aming karapatang mamuno at mamahala.”
Sa dalawang okasyon nitong Miyerkoles, pinabulaanan ni Duterte ang sinasabing plano niyang magtayo ng isang revolutionary government o magdedeklara ng martial law sa buong bansa.
“Revolutionary government, coup d’etat, malayo iyan. Huwag n’yo intindihin ‘yan. Hindi ako mag-martial law. Hindi ako mag-revolutionary government,” wika niya.
Ibinigay niya ang panibagong pahayag, isang buwan matapos magbanta na magdedeklara siya ng revolutionary government kung sakaling magpatuloy ang mga galaw upang i-destabilize ang kaniyang administrasyon, na sinasabi niyang ginagawa ngayon ng kaniyang mga kritiko, lalo ang mga grupong kaliwa.