NANINIWALA ang inyong lingkod na wasto lang ibasura ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang peace talks sa Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Para naman kasing ‘nag-uulyanin’ na sa pakikipag-usap ang mga lider nila.
Mantakin ninyong habang nakikipag-usap ang top honchos nila sa mga kinatawan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) sa pamamagitan ng pasilitasyon ng Norway ‘e wala namang tigil sa ambush, pagsalakay at pagsabotahe sa mga instilasyon ng pamahalaan ang kanilang armadong puwersa (NPA) dito sa Filipinas?!
Tama po ba ‘yun!?
Nasaan ang intensiyon doon na minimithi talaga nila ang kapayapaan?
Ayan, napuno tuloy si Tatay Digong at idedeklara na silang mga terorista sabay utos na durugin at paghuhulihin sila.
Sa kasaysayan ng mga naging Pangulo ng bansa, tanging kay Pangulong Digong lang sila na-spoiled, inabuso pa?!
Tsk tsk tsk…
Hindi man lang naghinayang ang CPP-NPA-NDF sa ginastos ng Norway Royal government.
Hindi ba nila nare-realize na hindi lang nagbukas ng palad si Digong para sa kanila, niyakap sila para sa tinatawag na kapayapaan.
Isa lang ang masasabi natin sa CPP-NPC-NDF, pusa lang ang hindi umiiyak kapag natapon ang gatas.
‘Yun lang po!
Sa kapalpakan ng MRT 3
TRANSPORT
USEC CESAR CHAVEZ
NAGBITIW NA
“SIMPLE sense of delicadeza.”
‘Yan ang rason kung bakit tuluyang nagbitiw si Undersecretary Cesar Chavez bilang Undersecretary for Railways ng Department of Transportation (DOTr).
“I’m tendering my irrevocable resignation. Hindi puwedeng lagi tayong naninisi sa nakaraan dahil responsibilidad na natin ito,” pahayag ni Chavez sa press briefing.
Ang tinutukoy dito ni Chavez, ang walang katapusang kapalpakan ng MRT 3.
Mula nang mag-operate ang Manila Metro Rail Transit System o ‘yung tinatawag ngayong MRT 3, noong 2000, hindi na ito hiniwalayan nang katakot-takot na problema at kapalpakan.
Kung tutuusin, ito ay bahagi ng Metropolitan Manila Strategic Mass Rail Transit Development Plan noon pang panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos, na binubuo ng 13 estasyon (16.9 kilometer) na magyayaot sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) para sa mabilis na biyahe mula south Metro patungong hilaga and vice versa.
Noong una, ang operasyon nito ay nasa ilalim ng 25-taon build-lease-transfer agreement sa pagitan ng Metro Rail Transit Corporation (MRTC) at dating Department of Transportation and Communications (DoTC) na ngayon ay DOTr na.
Inihiwalay na ang Communications, para raw mapagtuunan nang husto ang Transportasyon.
Noong 2014, kinomisyon ang mga eksperto mula sa MTR Hong Kong para repasohin ang sistema ng MRT 3 — ang kanilang opinyon, ‘nakompromiso’ na ang rail system dahil umano sa poor maintenance ng DoTC.
To make the long story short, nang hawakan ng Duterte administration ang MRT 3, kompromisong-kompromiso na ito sa umiiral na sistema, kaya hindi na nakapagtatakang tuloy-tuloy lang ang prehuwisyo at kapalpakan.
Ang solusyon nga na nais gawin ng kasalukuyang administrasyon ay i-overhaul ito. Pero hanggang ngayon hindi pa nabubuo ang plano para sa alternatibong transportasyon na magdadala sa mga pasahero ng MRT 3.
Sa huli, wala na rin nakitang solusyon ang nagbitiw na si Chavez kundi bakantehin ang kanyang puwesto para magbigay-daan sa mga taong higit na may kapasidad sa kanya para makapag-operate nang maayos ang MRT 3.
Baka nga raw, maraming mas magaling pa sa kanya.
Aba, sa totoo lang, bumilib naman tayo kay ex-Usec. Chavez sa ginawa niyang pagbibitiw.
In good faith siya nang tanggapin niya ang posisyon na inialok sa kanya. At palagay naman natin ay nagdugo rin ang utak niya kung paano aayusin ang kapalpakan ng MRT 3.
Pero hindi na kinaya ng ‘powers’ niya kaya minabuti niyang magbitiw na lang kaysa napupulaan pati ang ating Pangulo.
Ang tanong: bakit si Usec. Chavez lang ang nagbitiw?!
Bakit hindi sumama sa pagbibitiw ‘yung mga opisyal na parang hindi man lang nababagabag sa sunod-sunod na kapalpakan ng MRT 3.
Isama na rin mag-resign ang matitigas ang ulong opisyal mula sa ibang ahensiya na dapat sana ay tumutulong para ayusin ang problema sa MRT 3 pero mas inuuna pa ang sariling bulsa.
Imbes gumawa ng plano para sa alternatibong sasakyan ng mga pasahero ng MRT 3 para mai-overhaul na ito, aba inuunang pasyalan ang mga illegal terminal pero hindi para walisin kundi para mag-operasyon pakilala o papogi lang.
Kilala mo ba sila Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chair Danny Lim!?
Tulungan na natin ang MRT 3, Chairman Danny Lim para puwede nang isara at mai-overhaul na, para rin sa kaligtasan ng mga pasahero ‘yan.
Gets mo na, Chairman?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap