HINDI pa man nagsisimula ang hearing sa kongreso tungkol sa impeachment kay Supreme Court (SC) Chief Justice (CJ) Maria Lourdes Sereno, pinaniniwalaang nakalatag na ang gagawin ng mga kongresistang galamay ng Malacañang.
Ilang reliable source sa hanay ng staff ng mga kongresista, ang nagpahiwatig na ‘formality’ na lang umano ang hearing at walang ibang pakay kundi siraan at hiyain si CJ Sereno.
Ayon sa source, isang outline o script ang ipinadala sa lahat ng pro-administration na mambabatas kung paano isasagawa ang impeachment.
Batay umano sa script, hindi bibigyan si Sereno ng karapatang ipagtanggol ang kanyang sarili.
Hindi rin papayagan ang Chief Justice na magsama ng abogado upang magpayo sa kanya, at hindi siya hahayaang mag-cross examine sa mga tetestigo laban sa kanya.
Isa sa tatlong source ay nagsabi na ang unang tetestigo laban kay Sereno ay isang psychologist na isisiwalat ang psychological profile ng nasasakdal.
Palalabasin umano na may diperensiya sa pag-iisip si Sereno.
Kasunod nito, isang specialist na dalubhasa sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), na magbibigay ng isang presentation sa mga teknikalidad ng paghahain ng SALN.
Hinihinala ng mga source na susubukang gawing isyu ng SALN expert ang luxury vehicle na ginagamit ni Sereno.
At ang huling magsasalita umano ay si Associate Justice (AJ) Teresita De Castro.
Si De Castro ang sinabing may personal na ngitngit kay Sereno dahil disaprobado sa Chief Justice ang kanyang request na gamitin ang pondo ng SC para sa kanyang First Class flight sa ibang bansa.
Isa rin umano si De Castro sa mga nilaktawan ni dating Pangulong Benigno Aquino III nang i-appoint si Sereno bilang CJ noong 2012.
Ang testimonya ni AJ De Castro ay itatratong parang privilege speech, isang pribilehiyo na ibinibigay sa mga Kongresista at Senador tuwing may session.
Sa kanyang talumpati, puwede siyang magsalita ng kahit ano, totoo man o hindi, at hindi siya maaaring mahabla, o maparusahan.
Isiniwalat din ng isa pang source na ang mga kongresistang magpapahiya kay CJ Sereno ay mabibigyan ng pabuya sa pamamagitan ng Disbursement Acceleration Program (DAP), na personal na ibinibigay ng Pangulo sa mga distrito o kongresistang nangangailangan nito.
Ang Congressional Hearing ay nakatakdang magsimula sa ika-22 araw ng kasalukuyang buwan at nais umano ng pangulo na matapos ang impeachment kay Sereno bago ang 16 Disyembre 2017.