DEEP apology o mahigpit na paumanhin ang ipinaabot ng Tsukuba Express train sa Japanese public nang umalis nang maaga, 20-minutos bago ang takdang oras, sa Minami Nagareyama, kamakalawa, dahil sa malaking abala na nagawa nila sa mga pasahero.
Ang Tsukuba Express train po ay nagdurugtong sa Tokyo at kanugnog na mga lugar sa hilagang bahagi ng Japan.
Batid ng lahat na ang mga Hapones ay kilala sa kanilang pagiging maaga sa takdang oras at pagiging magalang.
Wala namang nagreklamo sa mga pasahero pero ganoon pa man, humingi ng paumanhin ang kompanyang nangangasiwa sa operasyon nito.
At alam ba ninyong hindi lamang management ng nasabing train company ang hiyang-hiya sa nangyari? Maging ang security guard ay humihingi rin ng paumanhin — ‘yan ay dahil itinuturing nilang malaking abala sa mga pasahero ang kanilang nagawa.
Wow! Nakabibilib talaga.
Parang nakaiiyak sa sobrang katuwaan kapag nakababasa tayo ng ganitong balita.
E dito sa ating bansa, si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte pa mismo ang humingi ng paumanhin sa publiko dahil sa naganap na pagkalas ng bagon ng MRT kaya nahintakutan ang mga naiwan na pasahero.
Lumakad sila sa napakakitid na gilid ng riles upang matiyak na hindi sila madadagit ng susunod na MRT.
‘Yung Undersecretary Cesar Chavez, ni hindi man lang nagtangkang humingi ng paumanhin sa publiko. Pagbuka ng bibig sa harap ng camera man puro pambobola agad sabay sabing may nagaganap na sabotahe.
Wattafak!?
Hindi pa nga, nakapag-iimbestigang maigi, may konklusyon na?!
At ang higit na nakahihiya, ‘yung ating presidente napakababa ng loob, ‘yung itinalaga niya at pinagkatiwalaan na magtatrabaho nang tama, hindi naman makagawa alinsunod sa itinatakdang trabaho nila.
Kung wala silang alam gawin kundi ang sisihin ang mga nauna sa kanila, aba, bakit hindi pa magsipag-resign na lang sila?!
Usec. Chavez, nariyan kayo para solusyonan ang problema, hindi ang maghanap ng sisisihin kapag may kapalpakan.
Puwede ba, tama na ang sisihan, magtrabaho na kayo nang maayos!
Babala ng MIAA
TRAVELERS MAG-INGAT
SA MGA PADALA
NAGBABALA at umapela ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga biyahero na mag-ingat sa mga nakikiusap sa kanila na magpadala ng kahit ano nang walang kaukulang inspeksiyon lalo kung hindi nila kilala ang nakikiusap.
Ayon kina MIAA General Manager Ed Monreal at Bureau of Customs (BoC) NAIA district collector Ramon Anquilan, kung magiging maingat sila laban sa mga nagpapadala mapipigilan ang mga miyembro ng international drug syndicates at iba pang kriminal sa pagbibiyahe ng mga ipinagbabawal na droga papasok sa ating bansa.
Mahigpit ang tandem na liderato nina GM Monreal at Customs district collector Anquilan na biguin ang international syndicates sa paggamit ng pangunahing paliparan ng bansa na maging lunsaran ng kanilang ilegal na aktibidad.
Bukod sa Customs, katulong din ng MIAA ang Airport police at Aviation Security Group para sa mahigpit na kampanya laban sa ilegal na droga.
Ang Customs Illegal Drug Task Force, customs police kabilang ang X-ray Inspection Project (XIP) personnel ay nagsasagawa ng mahigpit na inspeksiyon sa lahat ng dumarating na pasahero na dadagsa ngayong Pasko.
Kaya naman mahigpit ang kanilang paalala at babala sa ating overseas Filipino workers (OFWs) upang hindi sila mabiktima ng international drug syndicates.
Huwag pong magpadala sa kinang ng salapi na iaalok sa inyo ng mga sindikato. Isipin po ninyo na hindi kayo makalulusot at makukulong kayo kapag naloko kayo ng sindikato.
MIAA GM Ed Monreal & BOC-NAIA District Collector Mon Anquilan, suportado namin kayo sa inyong kampanya!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap