KAHAPON, parang eksena sa pelikula ang insidente nang kumalas ang isang bagon mula sa naunang bahagi ng tren habang patungo sa estasyon kung saan nahulog at naputol ang kamay ng isang pasahero nitong Martes ng hapon.
Base sa salaysay ni Ivan Caballero Villegas, naiwan sa gitna ng riles sa pagitan ng Ayala at Buendia station ang sinasakyan nilang bagon habang patuloy na papalayo ang unang bahagi ng tren.
“Eksena sa MRT. Umaandar, sabay biglang bitaw ng huling MRT bus,” saad ni Villegas sa isang Facebook post na nakalakip ang retrato ng naiwang bagon.
Kinompirma ni Cesar Chavez, Department of Transportation Undersecretary for Railways, ang insidente, ngunit sinabing walang pasaherong nasaktan mula sa pagkakakalas ng bagon.
Pinababa ang mga pasahero mula sa kumalas na bagon at naglakad na lamang sa riles makaraan ang insidente.
“Around 130 to 140 passengers were evacuated by the combined security guards from Buendia and Ayala Station,” ani Chavez sa isang pahayag.
“Passengers were evacuated from the detached train going to Ayala Stn platform in about 8 to 10 minutes,” dagdag niya.
Ayon kay Chavez, bumalik sa normal na operasyon ang MRT bandang 9:30 ng umaga.
Nitong Martes ng hapon, nahulog ang pasaherong si Angeline Fernando at naputol ang kamay sa Ayala Station ng MRT.
Kamakalawa, sinabing naibalik ang kamay ni Fernando sa Makati Medical Canter (MMC) na naunang nalapatan ng first aid ng kapwa pasaherong si medical intern Charleanne Jandic.