ISA na namang malaking eskandalo ang pagkahulog sa MRT ng pasaherong si Angeline Fernando, 24, isang Quality Assurance (QA) engineer, na ikinaputol ng kanyang kamay.
Sa pinakahuling ulat, sinabing naikabit ang kamay ni Fernando sa Makati Medical Center (MMC).
Salamat naman po.
Pero ang usapin dito, kahit saan tingnan ay hindi safe ang mga pasahero ng MRT at LRT.
Sa Hong Kong, bukod sa nasasarhan ng salamin ang buong platform, maayos din ang glass door nito na sumasabay sa pagbukas ng pinto ng kanilang MTR (tawag sa kanilang railway system) coach.
Kaya malayong-malayo na mayroong mahulog o maipit na pasahero.
At ‘yan ang ipinagtataka natin kung bakit sa laki ng budget na inilalaan ng gobyerno ay hindi magawa ng MRT at LRT.
Alam din ba ninyo na ang MTR sa Hong Kong ay nilalakad ng mga pasahero sa isang subway na malamig, malinis, at may mga tindahan na puwedeng makabili ng bottled water o pagkain?!
Kaya kahit mahaba ang subway, hindi nagrereklamo ang mga pasahero. Sila ang nag-a-adjust sa oras. Talagang disiplinado sila kung anong oras gigising at kung gaano kahaba ang oras na igugugol nila sa paglalakad at pagbibiyahe.
Hindi gaya rito, may problema na nga sa sistema ng railway, nagtatambakan at nagsisiksikan sa ‘iisang’ oras ang mga pasahero.
Tuwing may mangyayaring aksidente, ganito na lang ang sasabihin natin? Ikokompara natin sa ibang bansa ang sistema natin dito sa ating bansa.
Pero sa bandang huli, paulit-ulit lang din ang mga pangyayari.
Transportation Secretary Art Tugade Sir, baka gusto na ninyong wakasan ang ganitong systema?!
Makaaasa ba ang sambayanan?!
TATAY DIGONG
TAGUMPAY SA ASEAN
NAGMARKA ang liderato sa kanyang mga kapwa lider ng bansa sa Association of Southeast Asian Nations (Asean) ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
In short, bigo ang mga gigil na gigil na hilahing pababa si Tatay Digong.
Bukod sa 31st Asean Summit sa Cultural Center of the Philippines (CCP) sa Pasay City ipinagdiwang din ang 50th anniversary ng Asean.
Kasama ang kanyang partner na si Cielito “Honeylet” Avanceña, sinalubong nina Tatay Digong sina Myanmar State Counselor Aung San Suu Kyi, Singapore Prime Minister Lee Hsien Loong, Thailand Prime Minister Prayuth Chan-ocha, Vietnam Prime Minister NguyÅn Xuân Phúc, Laos Prime Minister Thongloun Sisoulith, Brunei Sultan Hassanal Bolkiah, Cambodia Prime Minister Hun Sen, Indonesia President Joko Widodo, at Malaysia Prime Minister Najib Razak.
Bukod diyan, sinalubong din ng Pangulo ang regional leaders at world leaders, kabilang sina United States President Donald Trump, Canadian Prime Minister Justin Trudeau, United Nations Secretary General Antonio Guterres, at European Union President Donald Tusk.
Lahat ng leader ay tumungo sa Philippine International Convention Center (PICC) para sa 31st Asean Summit Plenary; Asean-US Commemorative Summit; 20th Asean-China Summit; 19th Asean-Republic of Korea Summit; 20th Asean-Japan Summit, at ang 9th Asean-United Nations Summit.
Nitong Martes, pinamunuan ng Pangulo ang 20th Asean Plus 3 Summit, ang Asean-Canada Commemorative Summit, Asean-European Union Commemorative Summit, 12th East Asia Summit (EAS), at ang 15th Asean-India Summit.
Dakong hapon ay nag-host ang Pangulo ng lunch bilang parangal sa EAS heads of state and government at sa iba pang guest ng Chairman.
Dumalo rin ang Asean leaders sa Regional Comprehensive Economic Partnership, sa pagtatapos ng 31st Asean Summit at pagpapasa ng chairmanship sa Republic of Singapore.
Dakong hapon ay humarap sa media ang Pangulo upang ilagom ang 31st Asean Summit at iba pang mga pulong.
Ganyan kabigat ang ginampanang papel ni Pangulong Duterte.
Kaya hindi tayo dapat magtaka kung bakit unang tiniyak ng Pangulo ang seguridad ng mga leader ng iba’t ibang bansa at iba pang delegado.
Pambihira ang ipinakita at ipinadama ng Pangulo sa iba pang world leader kaya hindi nakapagtataka na nakuha niya ang respeto nila.
Nakita rin nila kung gaano katalinong lider si Duterte sa gitna ng nag-uumpugang interes ng Estados Unidos at China sa West Philippine Sea.
Sa kabila nito, matalino niyang na-handle ang nasabing usapin. Mas naipakita ni Tatay Digong na siya ay isang cooperative leader at hindi confrontational.
Isa sa klarong tagumpay ng Pangulo, ang pagpasok ng Department of Information and Communications Technology (DICT), Bases Conversion and Development Authority (BCDA), at Facebook sa Landing Party Agreement (LPA) na magtatayo ng “ultra high speed information highway” sa layuning magkaroon ng mabilis, abot-kaya at maasahang broadband internet sa buong bansa.
Ang naturang proyekto ang tututok sa implementasyon ng National Broadband Plan, Free Public WiFi program at iba pang ICT projects sa ilalim ng DICT na matatapos sa 2019.
Ibang klase ang accomplishment na ito ni Tatay Digong.
Kaya kung maraming nabuwisit dahil maraming isinarang kalsada, dapat nating bilangin muna kung ano-ano ang naging accomplishment ng Pangulo sa nasabing mga kaganapan.
Para sa inyong lingkod, hindi na kayang burahin ang markang iiwan ni Pangulong Duterte sa kasaysayan ng kanyang liderato.
Saludo, Mr. President!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap