ANO nga ba ang pakinabang ng mga Filipino sa isinagawang ASEAN summit sa bansa, na kailangang suspendihin ang mga pasok sa trabaho at klase para mabigyan ng ibayong seguridad ang world leaders at iba pang mga delegadong kalahok?
Kung seseryosohing pag-aralang mabuti ang layunin nito, totoo namang may kapakinabangan ito sa bansa. Posibleng hindi ito mararamdaman ng maliliit na mamamayan, pero kung ang pag-uusapan ay political at economic security ng buong bansa, may kapakinabangan nga ito.
Ang mga isyung terorismo, ang banta ng ginagawang pagporma ng North Korea at maging ang sigalot sa South China sea, ay ilan lang sa mga isyung masasabing apektado tayong lahat. Kailangan ang seguridad sa rehiyon para na rin sa kaligtasan ng lahat.
Ang usapin ng ekonomiya ay isang malaking isyu na hagip din ang lahat. Nakatutuwang isipin kung sakaling ang Filipinas at ang mga kalapit bansa nito gaya ng Vietnam, Thailand, Singapore, Malaysia, Indonesia, Cambodia at Myanmar ay magtutulungan para mapalago ang kabuhayan ng isa’t isa. Sakaling magkaroon ng integrasyon ang mga bansang ito, gaya ng mga bansa sa European Union, hindi imposibleng magkaroon ng libreng palitan ng mga goods, services, kaalaman, skills, at maging capital.
Sana nga ay hindi puro porma at pagpapaguwapo lang ang naganap sa summit. Sana nga ay malaking kapakinabangan ang maidulot nito sa ating mga Pinoy.