UMANI ng kabi-kabilang batikos ang artista at dating beauty queen na si Maria Isabel Lopez dahil sa pagdaan nito sa ASEAN lane na eksklusibong nakalaan para sa mga delegado na dadalo para sa 31st ASEAN summit.
Hindi lang ang ginawang paglabag ang kinainisan ng maraming netizens sa aktres kundi ang tila pagyayabang pa sa kanyang Facebook account na nalusutan niya ang ginawang alituntunin ng pamahalaan tungkol sa trapiko ngayong may 19 world leaders sa bansa para sa summit.
Naturingang dating beauty queen na dapat ay nagsisilbing mabuting halimbawa sa mga mamamayan, partikular sa mga kabataan, na tumitingala sa gaya niyang minsan ay naghatid ng karangalan sa bansa, hindi ito ang dapat na asahan sa kanya — ang maging palalo at masyadong matayog ang tingin sa sarili.
Tama ang mga panawagan na dapat bigyang leksiyon ang pasaway na si Lopez na ngayon ay nagsisilbing masamang ehemplo sa marami. Ito ay kahit pa nag-sorry siya at nagpaliwanag kung bakit niya nagawa iyon.
Dapat ipabatid sa kanya na hindi dahil minsan ay naging ‘reyna’ siya ay maghahari-harian siya sa kalsada; na hindi siya dapat ma-exempt sa kung anong batas trapiko ang ipinaiiral sa bansa. Tamang ipatawag siya, pagpapaliwanagin at sampahan ng kaso dahil sa kanyang kaangasan.