KINALAWIT ng defending champion San Beda College Red Lions ang Game 1 ng 93rd NCAA basketball tournament Finals matapos nilang ilita ang 94-87 win laban sa Lyceum of the Philippines Pirates sa Smart-Araneta Coliseum.
Humugot ng lakas ang Red Lions kina Donald Tankoua at Robert Bolick sa fourth period upang mamuro sa pagsilo ng back-to-back titles.
‘Hindi pa tapos ang laban, isang panalo pa lang kami kaya kailangan pa naming manalo ng isa,” saad ni San Beda head coach Boyet Fernandez.
Kumana si Tankoua ng 27 points, 20 rebounds at dalawang assists habang nag-ambag si Bolick ng 24 markers at apat na boards para sa Red Lions na posibleng makuha ang titulo sa Huwebes.
Dikdikan ang naging labanan sa huling limang minuto subalit nanaig ang pagiging kampeon ng Red Lions kaya nakuha nila ang mahirap na panalo.
Sa third qurter, nakuha ng San Beda ang bentahe matapos isalpak ni Tankoua ang layup, 61-60.
Tumikada rin para sa San Beda sina Davon Potts at Javee Mocon matapos ilista ang 15 at 11 markers ayon sa pagkakasunod.
Namuno sa opensa para sa LPU si Jaymar Perez na may 25 points at walong rebounds.
Nalasap ng Pirates ang unang talo matapos walisin ang 18-game elimination round.
(ARABELA PRINCESS DAWA)