UMAPELA ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko na iwasan muna ang pagdaan sa EDSA upang hindi maipit sa trapiko kasabay nang pagsisimula ng pulong ng mga world leader sa bansa.
Nitong Sabado, sinimulang isara ng MMDA sa mga motorista ang dalawa sa apat na magkabilang lane ng EDSA, na tanging mga delagado ng ASEAN ang maaaring dumaan.
Inamin ni MMDA spokesperson Celine Pialogo, libo-libong motorista ang naipit sa 5-oras na trapik, dahil dito kaya nakatanggap ang MMDA ng 100 reklamo sa Twitter account nito.
Lumala aniya ang sitwasyon dahil sa 23 aksidenteng naitala sa EDSA nitong Sabado.
“Pumalo po iyong traffic noong tanghali, talagang tuloy-tuloy na. Noong una, flowing pa po e, pero noong nagkaroon po ng mga aksidente, sumabay na po sa pag-uwi ng mga kababayan natin,” ani Pialago.
“Today po will be the critical day. Lahat po sila (ASEAN delegates), magpupuntahan na po sa ating hotels dito sa Metro Manila… Iwasan po natin ang EDSA,” pakiusap niya sa mga motorista.
Nakatakdang dumalo sa ASEAN ang lider ng 19 bansa, United Nations at European Union. Magtatagal ang pulong hanggang Martes.