MULA sa pagiging simpleng manlalaro sa kalye ng Cebu hanggang sa Morayta sa Maynila, ngayon ay milyonaryo na at nasa taluktok na liga sa Filipinas ngayon.
Iyan ang mapagkumbabang kuwento ng buhay basketbol ni Raymar Jose matapos ang nakatakdang pagpirma niya sa tumataginting na rookie max deal na P8.5 milyon sa Blackwater Elite.
Kinuha ng Elite ang 6’5 na si Jose bilang ikatlong kabuaang pick sa katatapos na 2017 Philippine Basketball Association Rookie Draft noong nakaraang buwan.
Ito ay upang palakasin pang lalo ang frontcourt ng Blackwater. Sa mga nakalipas na buwan ay nagdagdag ng mga piraso ang Blackwater sa katauhan nina Dave Marcelo, Chris Ellis at Allein Maliksi na naging bahagi ng pagpasok nila sa playoffs sa nakaraang komperensiyang Governors’ Cup.
Sa pagdating ni Jose, tiyak na lalo pang tatatag ang koponan ng Elite sa papalapit na Philippine Cup ng pinakabagong 43rd PBA Season.
Magugunitang si Jose ay nauna nang hinainan ng Blackwater ng isang taon na kontrata sa halagang P1.8 milyon bago sila nagbago ng desisyon kamakalawa.
Si Jose ay bahagi ng Mythical Five noong UAAP Season 79, naging Most Valuable Player ng PBA D-League Foundation Cup nitong taon at bahagi ng Gilas Pilipinas na nagkampeon sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia noong Agosto. (JBU)