LABIS ang kaligayahan ni Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” E. Goitia matapos ang matagumpay na tatlong araw na Technical Working Committee Year-End Assessment and Multi-Year Planning Workshop sa Baguio City kamakailan.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Goitia ang mahigit 150 kinatawan mula sa iba’t ibang ahensiya, local government units, non-government organizations at mga pribadong kompanya na nakibahagi sa programa upang makipagkoordinasyon, magplano, aprobahan, ipatupad, pangasiwaan, i-monitor at sinsayin ang lahat ng mga programa, proyekto at mga aktibidad na maggagarantiya sa tunay na rehabilitasyon ng Ilog Pasig at lahat ng tributaryo nito.
“Bahagi ng regular na aktibidad ng PRRC ang pagsasagawa ng taunang Technical Working Committee Year-End Assessment and Multi-Year Planning Workshop. Layunin nitong matukoy, maiayon at maitugma ang mga plano, programa, proyekto at aktibidad ng Komisyon sa mga miyembro at iba pang katuwang na ahensiya upang maiparating ng PRRC ang walang humpay na pagkilos tungo sa ganap na rehabilitasyon at pagpapaunlad ng Pasig River System,” paliwanag ni Goitia.
Binanggit ni Goitia, Presidente rin ng PDP-Laban San Juan City Council, na nais ng ahensiyang ipagpatuloy ang limang Technical Working Committees ng PRRC sa ginanap na tatlong araw na workshop/seminar nitong 8-10 Nobyembre.
“Tinalakay ng Housing and Resettlement Committee, Riverbanks, Transportation and Tourism Development Committee, Environmental Management Committee at Public Information and Advocacy Committee ang lahat ng nagawang mga proyekto para sa taong 2017.
Dito rin namin iniresolba ang mga suliraning nagsisilbing hadlang sa implementasyon ng aming mga polisiya, programa at estratehiya,” ani Goitia.
“At higit sa lahat, pinagtibay dito ang 2018 projects at activities kaugnay ng naaprubahang 2018 budget ng PRRC base sa National Expenditure Program gayondin ang pagtukoy at pagbuo ng mga susunod na programa mula 2019 hanggang 2022 bilang pagtugon sa atas ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.”