PATAY ang isang miyembro ng bandidong Abu Sayyaf group habang arestado ang dalawa pa ng military sa Parang, Sulu, nitong Biyernes, ayon sa ulat kahapon.
Sinabi ni Brigadier General Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu, isinagawa ang operasyon sa Sitio Tubig Gantang, Brgy. Lagasan-Higad 1:30 ng madaling araw.
Hindi pa nakukuha ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng napatay na bandido.
Habang kinilala ang mga arestado na sina Delson Kansiong, 27, at Nadzfar Abdulla, 19-anyos.
Ang tatlong bandido ay mga miyembro ng
Abu Sayyaf group sa ilalim ni sub-leader Idang Susukan, ayon kay Sobejana.
Narekober sa nasabing operasyon ang dalawang mataas na kalibre ng armas at iba’t ibang bala.
Sina Kansiong at Abdulla ay dinala sa
Sulu Provincial Police Office para sa detensiyon.
Ayon kay Sobejana, ang resulta ng operasyon:
“is another significant setback on the part of the ASG.”
8 ASG MEMBERS
SUMUKO SA SULU
WALONG miyembro ng bandidong Abu Sayyaf group ang sumuko sa Sulu, ayon sa ulat ng militar nitong Linggo.
Sinabi ni Brigadier General Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu, ang walong miyembro ng mga bandido ay mga tauhan ni Abu Sayyaf sub-leader Alhabsy Misaya.
Ayon kay Sobejana, ang mga bandido ay sumuko sa
2nd Special Forces Battalion sa kanilang headquarters sa Sitio Bayug, Brgy. Samak, sa bayan ng Talipao dakong 7:35 am nitong Sabado.
Kinilala ang mga bandido na sina Rakib Usman Mujakkil, 35; Sadhikal Sabi Asnon, 38; Jarrain Elil, 52; Wahab Buklaw, 47; Anggan Ali Sahaw, 43; Bandi Ahadjula, 56; Adih Manis Juhaini, 25; at Alden Banon, 30-anyos.
Isinuko rin ng mga bandido ang walong high-powered firearms, kabilang ang dalawang M16 rifles, isang M14 rifle, at limang M1 Garand rifles.