INATASAN ng Office of the Ombudsman sa Mindanao si dating Sulu govenor Abdusakur Tan at anim na iba pa na magpaliwanag ukol sa reklamong kidnapping at serious illegal detention sa isang German journalist.
Kaugnay ito sa kasong OMB-M-C 17-0374 na paglabag sa Article 267 ng Revised Penal Code o Kidnapping and Serious Illegal Detention at paglabag sa Section 3 ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act na inihain ni dating Jolo, Sulu councilor na si Temogen S. Tulawie.
Iniatas ng Deputy Ombudsman for Mindanao kay Tan na sagutin ang paratang na sangkot siya sa pagdukot sa Der Spiegel correspondent na si Andreas Lorenz, isang German, noong Hulyo 2000 sa Jolo habang nagko-cover ng Sipadan hostage taking.
Kasama ni dating governor Tan na kinasuhan sina Ahmadjan M. Hassan, Dolphy Hairal Abdulkahal, Salip Abdullah, Gulamo Uddin, Commander Daga, Commander Asbi, at iba pang John Does.
Nilagdaan ang kautusan ni Ombudsman Mindanao officer-in-charge, Atty. Hilde C. Dela Cruz-Likit, Graft Investigation and Prosecution Officer III, Evaluation and Investigation Bureau-A, nitong 2 Oktubre 2017.
Batay sa atas ng Ombudsman, dapat magsumite ng counter-affidavits sina Tan sa loob ng 10 araw matapos matanggap ang kautusan.
Si Lorenz ay sinasabing kinidnap ng nagngangalang ‘Philipp’ na sinabing nakilala niya sa bahay mismo ng dating gobernador na si Tan.
Batay sa affidavit-complaint ni Tulawie, isang peace and human rights advocate, ang papel umano ni Tan sa kidnapping kay Lorenz ay pagkukunwaring tumulong sa negosasyon bilang gobernador na ipinag-uutos umano na ang ransom money ay personal na ibigay sa kaniya dahil siya lamang ang may kontak sa mga kidnapper.
Kalaunan ay kinilala rin ni Tulawie ang umano’y kidnapper na si ‘Philip’ bilang si Ustadz Salip Abdullah na umano’y palagiang nagpupunta sa bahay ni Tan.
Ikinuwento umano ni Tan na nakapag-advance na ng ransom payment na P400,000.
Sa testimonya ni Dr. Olaf Ihlau, ngayon ay nasa 75 anyos na at dating editor ng Der Spiegel, sinabi niyang personal niyang inihatid ang dalawang bag ng ransom money kay Tan sa kaniyang tahanan sa Jolo.
Batay sa sinumpaang salaysay ni Derman Nasili na nagtatrabaho sa photojournalist na si David McIntyre noong 2000, ang ransom money na inihatid ni Ihlau kay Tan ay hindi naman nailabas sa bahay ng huli ngunit ilang minuto lamang ay inihatid na rin si Lorenz sa gobernador.
Natanggap ni Tulawie ang kopya ng utos ng Ombudsman kay Tan at ang kopya ng mosyon ng kampo ng dating gobernador na humihingi ng 15 araw pang palugit upang makasagot sa counter-affidavit.