TINIYAK ng liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Vice President Leni Robredo na hindi nila susuportahan ang bali-balitang binabalak na magtayo ng isang revolutionary government sa bansa.
Binigyan ng AFP si VP Leni ng isang security briefing noong Miyerkoles ng hapon, sa Air Force headquarters sa Pasay City.
Kinuha ni VP Leni ang pagkakataong ito para tanungin ang posisyon ng AFP tungkol sa pagtatayo ng revolutionary government.
Sinabi niyang nakababahala ang mga ganitong usapin, matapos ang pagtatawag ng suporta para rito, mula mismo sa ilang masugid na tagasuporta ng Pangulo, kabilang ang ilang opisyal ng pamahalaan.
“Ini-assure tayo, in no uncertain terms, both ni Secretary Lorenzana and ni AFP chief of staff Guerrero na hindi sila susuporta sa revolutionary government at sa kahit anong threat sa ating Konstitusyon,” wika niya.
Ayon din sa Bise Presidente, natalakay sa briefing ang sitwasyon sa Marawi matapos ang bakbakan doon sa pagitan ng mga sundalo at Maute terror group.
Pinuri at pinasalamatan ni VP Leni ang AFP at ang DND sa tagumpay ng pamahalaan sa Marawi, at tiniyak din ang suporta ng kaniyang opisina para sa rehabilitation efforts sa lungsod.