ILANG linggo na lang at magdi-Disyembre na. At pag ganitong panahon na, ang kasunod nito ay magkakabigayan na ng 13th month pay sa mga empleyado para makapagprepara na sa nalalapit na Kapaskuhan.
At alam na rin natin na ang kasunod nito ay nagtataasan na rin ang presyo ng mga bilihin. Kadalasan, naglipana sa mga panahong ito ang mga mapagsamantalang negosyante.
Dapat ay paghusayan ng Department of Trade and Industry ang pagbabantay sa mga presyo ng bilihin at maging kapaki-pakinabang sa maliliit na mamimili na kadalasan ay silang sinasamantala ng mga tusong negosyante na tubo at kita lang ang iniintindi.
Hindi lang mga pangunahing bilihin ang dapat bigyang tuon ng DTI kundi mga produktong present sa halos lahat ng hapag tuwing Pasko.
Bantayan ang presyo ng tinapay, spaghetti pasta and sauce, ham, fruit cocktail, gatas, at maging ham ay bantayan din mabuti.
Marami sa ating mga kababayan ang nagnanais na makapaghanda nang konting bongga tuwing Pasko para sa kanilang pamilya at posibleng mangyari ito kung mababantayan at mapapanatiling mababa ang presyo ng mga bilihin ngayong Kapaskuhan.