SINO kaya ang mahaderong nakasilip ng pahayag ni Dangerous Drug Board (DDB) Chairman Dionisio “Tagoy” Santiago at naitsutso kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte?
Hindi ba’t ganito rin ang nangyari sa pinalitan niyang si Benjamin Reyes? Nagpahayag ng datos na saliwa sa PNP kaya agad pinalitan?!
Ngayon naman, nasabi lang ni Tagoy na parang mali at impractical solution ang pagtatayo ng Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center (Mega DATRC) sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija, bigla naman siyang pinag-resign umano ng ating Pangulo.
Sa kanyang opinyon kasi, sinabi ni Tagoy na mas malaking tulong kung hinati-hati ang Mega DATRC sa Luzon, Visaya, at Mindanao.
Kung tutuusin, naging tapat lang si Tagoy sa tanong sa kanya ng mga mamamahayag. Ang tawag nga natin diyan, ‘nai-swak sa interbyu.’
Kumbaga, masyadong naging honest si Tagoy. Ganoon pa man, gaya sa isang masunuring sundalo (obey first, before you complain), walang gatol o walang angal na nagbitiw si Tagoy.
Huwag na sanang gatungan ito ng mga inihahanap ng away si Tatay Digong. Nagbitiw naman nang maayos si Tagoy at mukhang taos naman sa kanyang puso ang kanyang ginawa.
Sana lang, kung sino man ang ipapalit sa kanya ay hindi na militar. Isang sibilyan na may malawak na karanasan sa usapin ng illegal substance abuse at therapeutic community and rehabilitation.
Sa isang banda, mahabang panahon na rin naman ang ipinaglingkod ni Tagoy sa sambayanan, kaya panahon na rin naman para ibigay natin sa kanya ang masaya at tahimik na pagreretiro.
Good luck on your next endeavour Sir, Gen. Dionisio “Tagoy” Santiago!
IRR NG AMLC
SA ‘CASINO’
MALAPIT NANG
LAGDAAN
Pagkatapos lagdaan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) sa pagpapatupad ng Anti-Money Laundering Act (AMLC) na sinasakop na ang casino, sana naman ay hindi na maulit ang naganap, isang taon na ang nakararaan nang nakawin ng cybercriminals ang kuwarta mula sa central bank ng Bangladesh at ipinasok sa domestic financial system dito sa ating bansa.
Ito po ‘yung kaso na nag-iisang nadiin ang manager ng isang banko at naging bayani si Kim Wong.
Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas Governor and Anti-Money Laundering Council chair Nestor A. Espenilla Jr., ang implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act (RA) No. 10927 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte nitong nakaraang Hulyo, ay agad ipatutupad matapos ang matinding konsultasyon sa mga stakeholder.
Ang RA 10927 ay amyenda sa RA 9160 (Anti-Money Laundering Act of 2001) para isama ang mga casino, maging ang internet and ship-based operations, bilang covered persons.
Isa tayo sa mga matutuwa kung maipatutupad nang lubusan ang batas na ito.
Panahon na para tutulan ang pagpasok ng ‘ilegal na kuwarta’ sa ating bansa sa pamamagitan ng mga junket casino at iba pang porma ng sugal na ginagawang ‘labahan’ ng kuwarta mula sa ilegal na gawain.
I-push na po natin ‘yan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap