NAKOMPISKA ang P10 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa isang condominium unit, malapit sa Solano gate ng Palasyo, sa San Miguel, Maynila, nitong Lunes.
Arestado ang suspek na si Diana Yu Uy, na nakatira sa naturang unit sa Jy J condominium, na kinatagpuan sa dalawang kilo ng shabu na nakalagay sa anim plastic bag.
Ang suspek ay anak ni Yu Yuk Lai, ang ‘drug queen’ na nakakulong sa Correctional Institution For Women (CIW), ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Aaron Aquino.
Sinabi ni Aquino, ginagamit ng 72-anyos na si Yu ang kanyang anak para magsuplay ng droga sa Correctional at iba pang lugar.
Nasa 19 taon na ani-yang nakapiit si Yu na isang Taiwanese national.
Ilang oras bago salakayin ang condominium ni Uy, nagsagawa rin ng pagsalakay ang PDEA sa Correctional, at nakompiska ang dalawang cellphone at P2 milyon halaga ng shabu.
Kabilang sa mga nakompiska ang ilang pakete ng shabu na nakatago sa loob ng mga pantyliner sa kubol ni Yu.
Habang iginiit ni Uy na bigas ang kanyang negosyo.
Inakusahan niya ang PDEA na nagtanim ng droga sa kanyang tira-han, bagay na pinabulaanan ni Aquino.
“In fact kanina, she’s offering P5 million para maareglo na lang at huwag palabasin ang illegal drugs na iyan,” sabi ng hepe ng PDEA.
Naipagbigay-alam na aniya ng PDEA ang insidente kay Special Assistant to the President Bong Go.
Tinanggal na sa puwesto si Elsa Alabado, acting superintendent ng Correctional.
Iniimbestigahan ng PDEA ang natuklasang may dalawang bodyguard si Uy mula sa Special Action Force (SAF) ng PNP at Police Security and Protection Group (PSPG).
P.4-M DAMO
NAKOMPISKA
SA COTABATO
NAKOMPISKA ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 12 ang P400,000 halaga ng ma-rijuana sa Arakan, Cotabato, ayon sa ulat kahapon.
Nabatid sa ulat, na-kompiska ng mga ahente ng PDEA ang 2,000 marijuana plants at 100 marijuana seedlings mula sa suspek na si Jerome Tolusan.
Agad sinunog ng mga awtoridad ang marijuana plants at seedlings, dagdag sa ulat.
Si Tolusan ay nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.