ISA tayo sa mga nagulat sa pagre-resign nina Social Security Commission (SSC) equities investment division chief Reginald Candelaria at chief actuary George Ongkeko Jr.
Ang mga posisyong kanilang hinahawakan ay matatawag nating ‘kaluluwa’ ng isang insurance business. Sila ang nakaaalam kung saan dapat ilagak ang pondo ng SSS para kumita ito. Sila rin ang nakaaalam kung paano kikita ang nasabing investment.
Kaya nakagugulat kung bakit bigla silang nag-resign kung wala naman silang ginagawang iregular kaugnay ng serbisyo publiko?!
And take note, si Candelaria ay nag-resign bago ang bakasyon nitong nakaraang Undas habang si Ongkeko ay isang buwan na palang nakapag-resign?!
Ito pa po ang isa, nag-resign sila habang sila ay iniimbestigahan sa kinasasangkuitang stock trading controversy.
At bakit ganoon lang kabilis na tinanggap ang kanilang resignation?!
Tahimik na tahimik, tila isang magnanakaw sa gabi na biglang dumating at mabilis ding nakapuslit. Ang resignasyon ba nina Candelaria at Ongkeko ay magsisilbing malamig na tubig na pambuhos sa mainit na isyu ng stock trading controversy?!
Baka kung hindi pa sumingaw ang kontrobersiyang ‘yan ay hindi pa isasapubliko ni SSS Chairman Amado Valdez ang kanilang pagre-resign. Kung hindi tayo nagkakamali, sa Palace briefing noong 10 Enero 2017, itinanong ng aming Palace reporter na si Ms. Rose Novenario kung nagkaroon ba ng audit o magkakaroon ng audit sa SSS para malaman ng publiko kung saan napunta at kung saan inilagak ang members’ contributions.
Ayon kay SSS President and Chief Executive Officer (CEO) Emmanuel Dooc: “It is a regular operational requirement that an audit of SSS funds and operations is conducted every year. Iyan po ay kasalukuyang ginagawa na ng COA.”
Sa kanyang follow-up question sinabi ni Ms. Novernario: So ano po ‘yung assurance ng mga miyembro na ilalagak sa tamang investment ang SSS funds considering po na nagkaroon ng eskandalo doon nang inilagak sa BW Resources ang pondo ng SSS, nalugi at nakasama po plunder trial ni dating Presidente Joseph Estrada?
Sinagot ito ni Chairman Valdez: Alam mo, just to aside — as an aside. You’re looking at the man that we need. His record at the Insurance Commission will speak for itself. Nagawa niyang successful ‘yung Insurance Commission, the success that he has made in the Commission, he will also do it at the SSS, si President Dooc.
Ms. Novernario: Thank you po, hindi po mauulit ‘yung nangyari doon sa BW resources?
Chairman Valdez: Well as long as we are there, hindi mauulit po ‘yan. Ms. Novernario: Thank you.
And the rest is history… repeating itself.
Gen. Bato, hindi lang
mga pulis sa casino
OUTSTANDING ‘INTEL’
KUNO SA SABUNGAN,
SA ILLEGAL GAMBLING
DAPAT DIN SUDSURIN!
SA WAKAS, may nakapansin rin sa mga pulis na nagyayaot at naglalamyerda sa mga casino. Ilang panahon at paulit-ulit nating tinatawag ang pansin ng Philippine National Police (PNP) dahil marami tayong nakikitang mga pulis na kung hindi nagsusugal sa casino ay mas madalas na bodyguard ng mga dayuhang junket players sa casino.
‘Yung sinasabi nating ilang panahon ay ilang taon na ngayon. Kung hindi pa sa pagkakasangkot ng ilang pulis sa pagdukot at pagpatay sa casino junket operator na si Carlos Abad Tan, malamang hindi pa kikibo ang PNP.
Hindi ba. PNP chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa?!
Pero dahil napansin mo na ‘yang mga ‘yumayamang’ lespu sa casino, dapat na abanse ka rin sa pagtingin o pagkapa sa iba pang binababaran ng mga lespu ninyo, Gen. Bato Sir!
Patutukan mo rin ang mga ‘sabungan.’ Baka hindi pa nakararating sa iyong kaalaman na marami ring lespu ang nagpupunta sa mga sabungan. Pakikumusta na rin tuloy kung anong lifestyle mayroon sila, para naman malubos-lubos ang iyong ‘pagsusuri’ sa buhay at gawain ng iyong mga lespu.
At hindi lang sa sabungan Gen. Bato.
‘Yung mga outstanding intelihensiya ‘este intel police ninyo na nakasahod, nakadukwang o nakasawsaw sa illegal gambling.
Nandiyan lang ‘yan sa tabi-tabi. At talagang ‘kapuri-puri’ ang pagiging outstanding sa illegal gambling.
Kaya please lang po, Gen. Bato Sir, palawakin ninyo ang operasyon ng inyong ‘intelligence’ dahil baka kamukat-mukat ninyo e madali ang pagreretiro ninyo.
Unsolicited advice lang po, General Bato!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap