PATAY ang dalawang bakasyonista nang mabagsakan ng gumuhong lupa at bato ang kanilang tinutulugan sa isang resort sa Laiya, San Juan, Batangas, nitong Miyerkoles ng umaga.
Ang mga biktimang sina Maria Luisa Santos at Christopher Cruz ay naipit nang mabagsakan ng lupa at bato habang malakas ang buhos ng ulan.
Ayon sa mga awtoridad, natutulog ang mga biktima sa pansamantalang guest room na isang 20-foot container van nang mangyari ang landslide sa Kota Keluarga resorts.
Isinugod ang mga biktima sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Habang inoobserbahan sa ospital ang tatlo pang sugatan sa insidente, na hindi pa kilala.
Una rito, nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagbaha at landslide dahil sa bagyong Ramil, partikular sa Northern Palawan, Calamian Group of Islands, Aklan, at Antique, na nakataas ang signal no. 1.
May babala rin ng posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa Metro Manila, Calabarzon, Mimaropa, at Bicol.