SA pagdiriwang ng ika-62 kaarawan ni Executive Minister Bro. Eduardo V. Manalo ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa 31 Oktubre 2017, ilulunsad ang pinakamalaki at pinakamalawak na Lingap sa Mamamayan socio-civic program sa kasaysayan ng Iglesia.
Ang sabay-sabay na pagsasagawa ng libreng serbisyong medikal at dental, maging ang pamamahagi ng “goodie bags” na kinapapalooban ng mga pangangailangan sa pamamahay, mga gamot at pagkain, ay sabay na mangyayari sa 29 Oktubre 2017 sa dalawang lugar sa kalakhang Maynila at masasaksihan sa 104 iba pang bahagi ng bansa maging sa ibayong-dagat.
Layon ng Lingap sa Mamamayan ng INC ang bigyan ng hanapbuhay at tulong-pangkabuhayan ang lubhang nangangailangan sa naghihirap na mga komunidad.
Ang mga taga-Barangay Maharlika sa Taguig City ang unang mabibiyayaan ng nasabing programa na kabibilangan ng 30 manggagamot at 15 dentista na lalapat ng lunas sa tinatayang 5,000 pasyente.
Mahigit 100,000 goodie bags ang ipamamahagi rito.
Kasabay nito, idaraos din ang katulad na programang Lingap sa Barangay Culiat sa Quezon City na 10 doktor at walong dentista ang maglilingkod sa pangangailangan ng 1,500 pasyente.
Hindi kukulangin sa 5,000 goodie bags ang nakatakdang ipamahagi rito.
Bukod sa mga pagkain at gamot, magkakaroon din ng mga palabas na tiyak na ikatutuwa ng mga dadalo.
Sa nakatakdang 104 lugar sa bansa na mabibiyayaan ng paglingap ng Iglesia, 65 rito ay magmumula sa Luzon, 17 sa Visayas at 22 sa Mindanao.
Sa kabuuan, tinatayang hindi kukulangin sa 400,000 goodie bags ang nakatakdang ipamahagi sa makasaysayang gawaing paglingap ng INC.
Sa ibayong dagat, iba’t ibang gawaing paglingap ang isasagawa sa maraming lugar sa Estados Unidos at Canada, Hilaga at Timog Europa, Africa, New Zealand, China, Japan, Taiwan, South Korea, Malaysia, Cambodia at ilang bahagi ng Gitnang Silangan kabilang ang Saudi Arabia, Qatar at United Arab Emirates.
Ayon kay INC General Auditor Bro. Glicerio B. Santos Jr., inatasan ni Executive Minister Bro. Eduardo V. Manalo ang mga pangunahing opisyal at nanunungkulan sa Iglesia na paigtingin ang mga proyektong nakatuon laban sa kahirapan, lalo ang programang Lingap sa Mamamayan sa pangunguna ng Felix Y. Manalo (FYM) Foundation.
Sa ilalim umano ng pamumuno ni Bro. Eduardo V. Manalo, “ibayong diin ang iniatang sa mga socio-sibikong gawain, na naglalayong mabiyayaan hindi lamang ang mga kapatid sa INC kundi maging ang naghihirap na mga komunidad dito at maging sa buong mundo na lubos na nangangailangan.”
Sa unang bahagi ng kasalukuyang taon, namahagi na rin ang INC ng relief goods gaya ng pagkain, damit, gamot at personal na pangangailangan sa tinatayang 100,000 biktima ng armadong hidwaan sa Marawi City.
“Ang mga proyektong nagpapatuloy kagaya nito ay aming isinasakatuparan dahil sa paniniwala na iniatang sa amin ang tungkulin ng pagbibigay-lingap sa kapwa-tao, lalo sa naghihikahos at lubhang nangangailangan ng tulong,” paliwanag ni Santos.
“Habang nananatiling may mga taong nakikipagbuno sa kahirapan, gagawin ng INC ang lahat nitong makakaya upang makapagbigay ng suhay sa pagpapaibayo ng buhay, ano man ang kanilang politika, pinaniniwalaan o samahang kinaaaniban,” dagdag nito.