MAKASAYSAYAN ang paglagda ni Senate at PDP Laban President Aquilino “Koko” Pimentel III ng Memorandum of Understanding sa pinakamalaking partidong politikal sa Russia na United Russia sa St. Petersburg kamakailan.
Namamayaning partido ang United Russia sa Russian Federation na kinabibibilangan mismo ni Russian President Vladimir Putin bilang isa sa mga pangunahing lider nito.
Sabi nga ni Pimentel: “Isang makasaysayang pangyayari ito dahil lalong naging malapit hindi lamang ang mga gobyerno ng Russia at Filipinas kundi maging ang mga namamayaning partido sa dalawang bansa”
Dumalo si Pimentel sa 137th International Parliamentary Union Assembly sa St. Petersburg at nakipag-usap din sa mga lider ng United Russia.
Ang kasunduan ni Pimentel sa Russia para sa PDP Laban ang ikalawang pinakamahalagang nilagdaan niya matapos ang Memorandum of Agreement ng PDP Laban at Communist Party of China nitong nakaraang Pebrero.
Diin ni Pimentel: “Kakaiba ang PDP Laban sa lahat ng partidong politikal sa Filipinas hindi lamang sa pagiging aktibo nito sa mga kanayunan gayondin ang disiplinang pang-ideolohiya kundi maging sa mga pagsisikap na palakasin ang relasyong diplomatiko sa pakikipag-ugnayan sa namamayaning partido politikal sa ibang bansa.”
Hindi kaila sa lahat na pinalakas ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang tagapangulo ng PDP Laban, ang relasyon sa Russia at China bilang bahagi ng independienteng patakarang panlabas ng kanyang administrasyon.
Inilinaw ni Pimentel na bukas ang PDP Laban sa pagpapatatag ng relasyon sa mga partidong politikal sa ibang bansa bilang bahagi ng pananagutan sa Pagbabago para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Dagdag niya: “Nais nating ibahagi ang ating karanasan sa mga partido ng ibang bansa at gusto rin nating matuto sa kanilang karanasan. Ang Pagbabagong isinusulong natin ay hindi para sa pagbabago lamang kundi isinasaalang-alang natin na malutas ang daantaon na nating mga problema at masustenahan natin ito.”