ARESTADO sa entrapment operation ang isang lalaki makaraan ireklamo ng kanyang nobyang government employee ng pangingikil para hindi ikalat ang kanilang malalaswang video at retrato sa internet.
Kinilala ang suspek na si Patrick Erwin Singh, humihingi ng P500,000 sa biktima.
Nadakip ang suspek makaraan humingi ng tulong ang 43-anyos biktima sa Manila Police District (MPD).
Sa operasyong ikinasa sa isang hotel, unang pumasok sa kuwarto ang biktima na sinundan ng suspek.
Ilang minutong naghintay sa labas ng kuwarto ang mga operatiba hanggang matanggap ang senyales na naibigay na ng biktima ang pera.
Agad pinasok ang kuwarto at inaresto ang nobyo ng biktima.
Depensa ng suspek, gumanti lamang siya dahil nainis siya sa nobya.
“Nainis kasi ako sir, ibinubugaw kasi ako sa bakla. Galing Bicol pa ko sir,” ani Singh.
Ngunit pagdating sa presinto, biglang nagbago ang dahilan ng suspek.
Nagbibiro lamang umano siya sa kanyang kasintahan.
Kakasuhan ang suspek ng robbery-extortion at paglabag sa RA 9995 o The Anti-Photo and Video Vo-yeurism Act of 2009.