BINANTAAN ni Pangulong Rodrigo Duterte si Iloilo City Mayor Jed Mabilog na siya na ang susunod sa mga alkaldeng sangkot sa illegal drugs na ‘haharapin’ ng mga awtoridad.
“The mayor of Iloilo City, I identified him. This was broadcast. I said, ‘You are next. You’re next,” ani Duterte sa kanyang talumpati sa ASEAN Lawyers Association (ALA) Council Meeting sa Palasyo kahapon.
Inilitanya ng Pangulo na napakalaking problema ng bansa, ang illegal drugs, ang kanyang minana sa nakaraang administrasyong Aquino na sa loob ng nakalipas na apat na taon ay pinayagang bumaha ng shabu sa bansa.
Inihalimbawa niya sa narco-politicians na ‘neutralisado’ ng kanyang administrasyon, sina Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr., at Ozamis City Mayor Reynaldo Parojinog.
Sina Espinosa, Parojinog at Mabilog ay pawang nasa listahan ng narco-politicians ni Duterte.
Mula nang mapaulat na itatalaga si Chief Insp. Jovie Espenido sa Iloilo City ay umalis sa siyudad si Mabilog at nagtungo sa Japan.
Napabalitang, nagpunta rin siya sa United Kingdom at Canada, kasama ang pamilya na sumunod sa kanya.
(ROSE NOVENARIO)