CEBU – Tatlong bata ang sinagip ng Women and Children’s Protection Center Field Office Visayas, kasama ang Department of Social Welfare and Development at mga pulis nitong Martes ng hapon.
Nagsagawa ng entrapment operation makaraan makompirma ang ilegal na gawain sa loob ng isang bahay sa bayan ng Cordova sa Cebu.
Ang naturang bahay na nakatayo sa isang liblib na lugar, ay sinasabing ginagawang cybersex den.
Nahuli sa akto ng mga awtoridad ang isang babae na naka-underwear lang habang nakaharap sa webcam. Hinuli ang babae at isa pa niyang kasama.
Nailigtas ang tatlong batang nandoon din sa lugar nang isagawa ang operasyon.
Ayon kay Senior Inspector Clemente Ceralde, ginagamit ng dalawang suspek ang mga bata para sa private webcam show. Mga banyaga umano ang kanilang mga kliyente.
Nakatakdang sampahan ng kaso ang dalawang nahuli.