MAGSISIMULA na ang rehabilitasyon ng Marawi City ngayong tuluyang nawakasan na ang giyera ng pamahalaan kontra teroristang grupong Maute, at dahil nabawi na rin ang mga hostage na kanilang tinangay sa limang-buwang bakbakan.
Hindi na dapat pang magpatumpik-tumpik ang pamahalaan sa pag-rehabilitate ng lungsod. Bagamat hindi agad-agad maibabalik sa dating sitwasyon ang Marawi, hindi dapat mawalan ng loob ang pamahalaan at lalo na ang mga residente ng lugar na muling makababangon ang siyudad.
Ang tanong nga lang ay kung hanggang kailan maitatayong muli ang Marawi? Marami na kasing mga trahedyang naganap noon sa ibang lugar, na matapos mangyari ang masaklap na pangyayari ay papangakuan ng rehabilitasyon, pero hanggang ngayon ay mabagal ang pag-usad.
Ano na ba ang nangyari sa Tacloban City at ilan pang lugar sa Visayas na tinamaan ng bagyong Yolanda? Ilang taon na ang nakalilipas pero hanggang ngayon ay lugmok pa rin ang marami sa ating mga kababayan doon? Ano na rin ba ang nangyari sa mga residente ng Zamboanga City na labis na naapektohan ng Zamboanga siege? Nagbago na ba ang kanilang buhay? Marami sa kanila ay nasa evacuation center pa rin at kulang na lang ay manghingi ng limos sa pamahalaan para makaahon sa kanilang kinasasapitan ngayon.
Sana lang ang gagawing rehabilitasyon sa Marawi ay hindi magaya sa Tacloban at Zamboanga — na pinangakuan pero ang pangako ay nauwi lang sa wala.