NAMIHASA si Sen. Antonio Trillanes IV sa pagbatikos sa administrasyong Duterte kahit walang pruweba dahil pinapatulan ng media.
Ito ang sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo kamakalawa.
Aniya, ginagamit ni Trillanes ang media para laging maging matunog ang kanyang pangalan na animo’y paghahanda sa kandidatura bilang kongresista sa 2019 elections.
“Iyang si Trillanes, pinapatulan kasi ng media e, lahat ng kabalastugan niya kaya — Pero sa amin, hindi namin pinapansin ‘yan,” ani Panelo.
Ang bagay aniya kay Trillanes ay mapatalsik sa Senado dahil hindi karapat-dapat sa naturang institusyon.
“He deserves to be expelled from your institution… or your institution. Hindi karapat-dapat iyan sa Senado,” aniya sa panayam kay dating Sen. Orly Mercado.
“E wala namang pumapansin diyan kay Trillanes. Lahat ng mga akusasyon niya, ‘di ba, walang naporbahan. Alam mo, ang tingin ko sa kaniya, last term niya as senator, he needs a publicity dahil I think he is running for Congress sa distrito niya,” giit ni Panelo.
Nasa US si Trillanes at nakipagpulong sa mga mambabatas na pawang mga kritiko ng administrasyong Duterte gaya ni Florida Sen. Marco Rubio na inakusahan kamakailan na nakipagsabwatan sa Central Intelligence Agency (CIA) para pabagsakin ang gobyerno ni President Nicolas Maduro ng Venezuela.
(ROSE NOVENARIO)