SA kanyang pangunguna at matapang na pagsusulong ng giyera kontra terorismo na nagresulta sa pagkakapaslang sa pinuno ng Abu Sayyaf na si Isnilon Hapilon at Omar Maute sa Marawi, pinapurihan ng Pasay City si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte kamakailan.
Sa Resolusyon Blg. 4169 na nilagdaan ng lahat ng miyembro ng Sangguniang Panglunsod, pinapurihan nito ang masigasig na operasyon ng tropa ng pamahalaan sa pangunguna ni Pangulong Duterte bilang commander-in-chief ng Armed Forces of the Philippines, na humantong sa pagpapalaya ng Lungsod ng Marawi mula sa mga kamay ng mga teroristang miyembro ng Maute.
Matapos lagdaan ang resolusyon, nagpahayag si Mayor Antonino “Tony” Calixto, ng kagalakan sa ipinamalas na pamumuno ni Pangulong Duterte sa gitna ng madugong banta ng terorismo,
“Ito ay pagpapatunay na ang bansa ay nasa mabuting kamay,” ayon kay Calixto.
“Lubos po ang pasasalamat ng mga taga-Pasay at natapos na rin ang malagim na yugto ng terorismo sa Marawi. Ang ipinamalas na pamumuno ng ating Pangulo sa gitna ng mga kaguluhan ay dapat ipagbunyi ng lahat ng nagmamahal sa kapayapaan,” ani Calixto.
Naniniwala si Konsehal Ricardo “Ding” Santos na siyang nagsulong ng nasabing resolusyon, na ang papuri na iginagawad ng mga taga-Pasay ay lubhang napakaliit na bagay kompara sa kapayapaan na makakamit ng Marawi at ng buong bansa dahil sa sakripisyong ibinigay ng mga sundalo, pulis at ng Pangulong Duterte.
Ayon kay Santos na minsan din naglingkod bilang kagawad ng pulisya, may dahilan upang magbunyi ang mga taga-Pasay dahil ang nangyari sa Marawi ay puwede rin mangyari kahit saang dako ng Filipinas o kahit saan sa mundo.
Hinikayat ni Santos ang iba pang LGUs at mga kawani sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan na isulong ang kapayapaan ng bansa at suportahan ang adhikain ni Pangulong Duterte lalo sa pagsugpo ng terorismo at ilegal na droga na ilan lamang sa mga pangunahing suliranin ng bansa.
Sa panig ng bise-alkalde na si Boyet Del Rosario, tumatayo rin bilang presiding officer ng Sanggunian, lubhang kahanga-hanga ang Pangulong Duterte sa pamumuno na kahit sa kasagsagan ng giyera sa Marawi ay “nakuha pa niyang bumisita nang kung ilang ulit.”
Ilan sa mga lumagda sa resolusyon ay sina Konsehal Mark Calixto, Arnel Regino Arceo, Allan Panaligan, Antonia Cuneta, Tino Santos, Jerome Advincula, Alberto Alvina, Editha Manguerra, Jose Isidro, Donnabel Vendivel at Aileen Padua.
Bukod kay Hapilon at Maute, napatay din ng puwersa ng pamahalaan ang Malaysian terrorist na si Dr. Mahmud Ahmad at iba pang indibidwal na kasalukuyan pang kinikilala ng awtoridad.
Matatandaan na nilusob ng mga miyembro ng Maute group ang Marawi City noong nakaraang Mayo at binihag ang daan-daang sibilyan.
HATAW News Team