KAKASUHAN din ng pulisya ang ilang kasapi ng Regina Juris Sorority, ang sister group ng Aegis Juris Fraternity, dahil sa kanilang partisipasyon sa hazing rites na ikinamatay ni UST law student Horacio “Atio” Castillo III nitong nakaraang buwan.
“Meron po tayong nakitang mga babae who we believe or suspect na sister or members ng sister sorority-fraternity ng Aegis Jvris,” ayon kay Chief Supt. Joel Coronel, director ng Manila Police District.
Paliwanag ni Coronel, kahit may direktang partisipasyon o wala basta kasama o may alam hinggil sa pagpaplano at mismong hazing rites ay mananagot sa ilalim ng batas.
“Sa unang isinampa natin [kaso] meron tayo, I understand, mga lima o anim na Jane Does na isinama.”
Sinabi ni Coronel, kasalukuyan silang nagba-validate ng pagkakakilanlan ng mga naiugnay na sorority members sa kaso.
“May list po tayo. Hindi lang natin inilalabas until ma-confirm ng ating witnesses. Tama po, meron pong babae na kasama sa kasong ito,” ani Coronel.
Noong 4 Oktubre unang sinampahan ng pulisya ng kaso ang 19 miyembro ng fraternity, kabilang si John Paul Solano, ang nagdala sa pagamutan kay Atio, mga resident brod o estudyante ng fraternity.
Kasong murder, robbery at obstruction of justice ang ikinaso sa kanila at perjury din kay Solano.
“Bukod po rito, ang pamilya ni Atio Castillo ay nagsampa ng additional na kaso against the officers and alumni members of the fraternity, including si Dean [Nilo] Divina, for their involvement sa hazing ni Atio Castillo,” aniya pa.