ARESTADO sa mga awtoridad ang isang lalaki sa motel sa Maynila makaraan siyang ireklamo ng dating katrabaho ng pananakot na ipakakalat sa social media ang kanyang hubo’t hubad na mga retrato at at video kapag hindi pumayag na makipagsiping.
Ayon sa ulat ng pulisya, nitong Huwebes ng gabi, dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa entrapment operation ang suspek na si Federico Angulo, 48-anyos, habang nasa loob ng sasakyan na nakaparada sa garahe ng isang motel sa Malate, Maynila.
Kumilos ang mga operatiba ng NBI-NCR nang makompirmang nasa motel ang biktima kasama ang target na si Angulo.
Ayon sa reklamo ng biktima, Oktubre 2016 nang mag-alok ang dati niyang katrabaho na si Angulo na ihahatid siya pauwi galing sa kanyang gym session.
Ngunit habang nasa sasakyan, binigyan siya ng suspek ng inomin na naging dahilan para mawalan siya ng malay.
Ayon sa biktima, dinala siya ng suspek sa isang motel, pinagsamantalahan, at kinuhaan ng video at retrato habang hubo’t hubad.
Makalipas ang ilang buwan, kinontak daw siya ng suspek at nagbantang ia-upload ang mga hubo’t hubad niyang retrato at video kapag hindi siya pumayag na makipagtalik.
Dahil sa takot, napilitan siyang sumunod sa kagustuhan ni Angulo.
Ayon kay Atty. Cesar Bacani, hepe ng NBI-NCR, nang muling tumawag at humirit si Angulo sa ikatlong pagkakataon ay nakipag-ugnayan na sa kanila ang biktima kaya ikinasa ang entrapment operation.
Itinanggi ni Angulo ang akusasyon ng biktima at iginiit na mayroon silang relasyon.
Itinanggi rin niyang tinakot niya ang biktima at wala rin aniya siyang ipinainom sa babae.
Ngunit nakita ng NBI sa cellphone ni Angulo ang kanyang mga mensahe sa biktima na nagbabanta tungkol sa pag-upload ng mga retrato at video.
Kakasuhan si Angulo ng paglabag sa Anti-video and Photo Voyeurism Act at rape.