SA isinagawang pagsalakay nitong Lunes ng tropa ng pamahalaan, napatay ng isang sniper ang lider ng mga bandidong Muslim na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute.
Tinaguriang emir ng Islamic State si Hapilon habang si Omar naman ay isa sa kilabot na Maute brothers na siyang namuno sa pananakop sa Marawi kamakailan. Sa halos apat na buwang bakbakan, sadyang nahirapan ang puwersa ng gobyerno na gapiin ang mga extremist dahil na rin sa panatikong pagsunod sa dalawang lider.
Tiyak na bibigyan ng parangal ang sundalong nakapatay kina Hapilon at Maute ngunit marami sa atin marahil ang hindi nakaaalam na isang Marine sniper ang kinikilalang numero unong ‘tirador’ ng ating Hukbong Sandatahan.
Siya si Cpl. Felipe Barbadillo ng Philippine Marines na nakapatay ng walong pinaghihinalaang mga terorista sa madugong labanan sa sultan Kudarat nitong nakaraang taon.
Pinarangalan si Barbadillo ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa pagkakabit ng prestihiyosong Gold Cross medal sa pagdiriwang ng ika-81 anibersaryo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Kampo Aguinaldo noong 22 Disyembre 2016.
“The Gold Cross is hereby awarded to Cpl. Barbadillo, for gallantry in action while serving as the lead sniper of Special Operations Platoon of Marine Battalion Landing Team-6 tasked as main effort to conduct law enforcement patrol to neutralize the armed group of Jafaar Sabiwang Maguid, a local terrorist believed to be linked with the foreign terrorist group ISIS at Sinapingan, Barangay Butril, Palimbang, Sultan Kudarat,” nakasaad sa citation ng batikang Marine sniper.
Sa kasagsagan ng labanan, pinangunahan ni Barbadillo ang kanyang pangkat sa pagsalakay sa Islamic State-inspired terrorist group para mapatay ang walo sa kanila, kabilang ang Indonesian bomb-maker na si Ibrahim Ali, alyas Sucipto at Ustadz Abu Fatah.
Nakatakas sa sagupaan ang pinuno ng mga terorista na si Mohammad Jaafar Sabiwang Maguid, alyas Kumander Tokboy at Abu Gaib, at ngayo’y namumuno ng isang lokal at foreign IS-inspired terrorist cell.
Ang Gold Cross na iginawad kay Barbadillo ay pangalawang highest military medal in combat, kasunod sa Medal of Valor, na ipinagkakaloob sa mga sundalong nagpakita ng kakaibang tapang sa gitna ng labanan.
(TRACY CABRERA)