PAGKAKALOOBAN ng limang minutong “standing break” kada dalawang oras ang mga empleyadong laging nakaupo sa trabaho.
Alinsunod ito sa Department Order (DO) No. 184 ng Department of Labor and Employment (DoLE) na nilagdaan nitong 18 Oktubre 2017.
Sakop ng kautusan ang mga empleyadong laging gumagamit ng computer, gumagawa ng administrative at clerical works, nasa highly-mechanized establishment, information technology, at toll booths.
Binigyang-diin ng DoLE, mahalaga ang standing break para sa kalusugan ng mga empleyadong obligadong maupo nang mahabang oras.
Bukod dito, nakapaloob din sa DO ang iba’t ibang maaaring gawin ng employer upang maengganyo ang mga nagtatrabaho na magkaroon ng pisikal na aktibidad.
Kasama rito ang pag-oorganisa ng “heath promotion activities” tulad ng calisthenics at dance lessons pagkatapos ng trabaho.
Dapat din mayroong “medical surveillance” sa mga empleyadong may mas mataas na tsansa ng pagkakasakit dulot ng mahabaang pag-upo at hindi pagkilos.
Iinspeksiyonin ng DoLE ang mga employer na sakop ng DO at susuriin kung ipinatutupad ang kautusan.
Magiging epektibo ang kautusan 15 araw makaraan itong mailathala sa mga pahayagan o sa unang linggo ng Nobyembre.