NAPIPINTONG magpasa ng bagong ordinansa ang Navotas City Council para sa curfew ng mga kabataan makaraan ibasura ng Supreme Court (SC) ang Pambansang Ordinansa Blg. 200213, bunsod ng petisyon ng Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) noong Hulyo ng nakaraang taon.
Ayon kay Navotas City Mayor John Rey Tiangco, tiniyak sa kanya ng karamihan ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, ang bagong curfew ordinance na ipapasa ay magtatakda ng pinakamalayang pamamaraan para maiiwas sa kriminalidad at karahasan ang mga paslit at kabataan.
Ayon kay Tiangco, sa sandaling ang bagong ordinansa ay mailathala sa pahayagan, agad nilang ipatutupad ang curfew para sa mga menor de edad mula alas 10:00 pm hanggang 4:00 ng umaga.
Nauna nang sinabi ng konseho kay Tiangco, nakapaloob sa bagong curfew ordinance na puwera sa curfew ang mga batang may kasamang magulang o tagapangalaga, kung ang mga bata ay hindi masasangkot sa ilegal na gawain.
Bukod dito, papayagan din ang mga kabataang dumalo sa “Simbang Gabi” o anomang aktibidad na may kinalaman sa paaralan o simbahan, at political rallies na bahagi ng kanilang mga karapatan.
”Minamadali talaga ng mga miyembro ng Sanggunian ang bagay na ito dahil sobrang mahalaga ito para sa ating mga kabataan, pati na rin sa mga magulang,” ani Tiangco.
Nakasaad din sa bagong ordinansa na sinomang magulang o guardian na magpapabaya sa kanilang tungkulin ay papatawan ng multa at pananagutin. (JUN DAVID)