MAHIGIT 83,000 pamilya, mula sa iba’t ibang panig ng bansa, ang natulungan ng tanggapan ni Vice President Leni Robredo sa unang taon ng programang inilunsad nila laban sa kahirapan.
Ang programang Angat Buhay ay sinimulan ni VP Leni at ng kaniyang opisina noong Oktubre 2016, sa paglalayong maabot ang pinakamahihirap at pinakamalalayong komunidad sa bansa, sa pakikipagtulungan ng pribadong sektor at ibang ahensiya ng pamahalaan.
Sa ilalim nito ay tumutugon ang Office of the Vice President sa mga pangangailangang konektado sa anim nitong adbokasiya — food security and nutrition, women empowerment, rural development, education, universal healthcare, at housing.
Sa paggunita ng unang taon nito, 83,707 pamilya ang natulungan ng Angat Buhay sa 153 pamayanan. Naabot ng programa ang lahat ng mga rehiyon sa bansa — bunga ng masigasig na pag-iikot ni VP Leni upang maabot ang mga tinatawag na nasa laylayan ng lipunan.
Sa tulong ng mga kaakibat na organisasyon at kompanya, na karamihan ay mula sa pribadong sektor, nakapagpatupad na ang Angat Buhay ng mga proyektong umaabot sa halagang P145 milyon.
Kasama rito ang P33.5-milyong assets at tulong-pangkabuhayan na naibigay sa 7,691 magsasaka, mangingisda, at indigent families; P8.5-milyong halaga ng tulong para sa feeding and nutrition programs, na nakaabot sa 2,345 batang malnourished at sa mga nanay na nagpapasuso; P1.45-milyong halaga ng food packs at multivitamins para sa 5,392 pamilya.
Nakapagbigay rin ng P26.73-milyong halaga ng tulong ang OVP at private partners nito sa sektor ng edukasyon. Tinatayang 21,791 estudyante, out-of-school youth, at mga guro ang makikinabang sa mga tulong na ito, kagaya ng mga bagong silid-aralan, teachers’ training, scholarships, at gamit pang-eskuwela.
Bahagi rin ng Angat Buhay ang pamimigay ng assistive devices para sa persons with disability at pagsasagawa ng medical and dental missions, gayondin ang pagsuporta sa mga kababaihan sa pamamagitan ng workshops at training.
Matapos magbitiw bilang pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), isinama na rin ni VP Leni sa Angat Buhay ang usaping pabahay.
Sa ilalim ng programa ay natulungan ang 735 pamilya, o 1,868 katao, sa pamamagitan ng pamimigay ng iba’t ibang materyal na nagkakahalaga ng P2.29 milyon — kasama ang solar kits at generators, water filters, water pumps, hygiene kits, lababo, at toilet bowls.
Nakikibahagi ang A-ngat Buhay sa disaster relief and rehabilitation efforts para sa mga naapektohan ng sakuna at kalamidad.
Sa nakaraang taon ay nakatulong ang programa sa 75,633 pamilya, kasama ang mga nasalanta ng Bagyong Lawin at Nina, ng lindol sa Surigao at Batangas, at mga internally-displaced persons dahil sa bakbakan sa Marawi.
Nagpaabot ng P30.43-milyong halaga ng tulong ang Angat Buhay partners, samantala P12.43 milyon ang nagmula mismo sa opisina ni VP Leni. Ipagdiriwang ng OVP ang unang taon ng Angat Buhay sa pamamagitan ng paglulunsad ng “Angat Kabuhayan” na naglalayong mas matugunan ang mga suliranin tungkol sa trabaho at kabuhayan ng mga Filipino na nangangailangan nito.
Nagdaos kahapon ng multi-stakeholder summit ang OVP sa SMX Convention Center para ipakikilala ang programa. Layon ng Angat Kabuhayan na matugunan ang kadalasang mismatch sa skills at available na trabaho sa mga komunidad, gayondin ang tumulong para makagawa ng inclusive models para sa local enterprises.
Ito ay tututok sa ilang high-growth industries gaya ng agribusiness, construction, information technology at business processing, manufacturing, at turismo.
HATAW News Team