HANDA ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa posibleng spill-over sa Metro Manila kaugnay sa bakbakan sa Marawi City na ikinamatay ng kilalang mga lider ng Maute at Abu Sayyaf Groups na sina Omar Maute at Isnilon Hapilon na tinaguriang Emir at pinuno ng ISIS sa Asya.
Ayon kay NCRPO Regional Director Oscar Albayalde, kahit walang natatanggap na report ukol sa banta ng terorismo sa Metro Manila, hindi inaalis ang posibilidad na paghihiganti o resbak ng mga tagasuporta ng Maute at ASG lalo na’t patay na ang kinikilalang mga lider na sina Maute at Hapilon.
Aniya, hindi malayong mangyari ito lalo na’t nasa Camp Bagong Diwa sa Bicutan,Taguig City ang mga kaanak at ibang tagasuporta ng Maute at ASG.
Binigyang-diin ni Albayalde, hindi nagpapakampante ang NCRPO kaya nagpapatupad nang mas mahigpit na seguridad sa iba’t ibang panig sa National Capital Region kabilang ang kaliwa’t kanang checkpoints, police visibility at foot patrol upang masawata ang krimen.
Kinompirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kamakalawa ang pagkamatay nina Maute at Hapilon sa pamamagitan ng mga inilabas na retrato sa naganap na final strike sa Marawi. (JAJA GARCIA)