INIHAYAG ng transport group na Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), 90 porsiyento ng Metro Manila at lahat ng iba pang bahagi ng bansa ang naparalisa sa inilunsad nilang tigil-pasada kahapon.
Sinabi ni PISTON national president George San Mateo, ang unang araw ng kanilang dalawang araw na tigil-pasada ay tagumpay dahil naparalisa nila ang 90 porsiyento ng transport sector sa buong bansa.
Ayon sa kanilang tala sa National Capital Region, apektado ng tigil-pasada ang CAMANAVA (Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela) 97%; Novaliches, 90%; Makati, 100%; Parañaque, 100%; Zapote, 90%; Anda Circle routes, 90%; Litex route, 90%; Ramon Magsaysay (Sta. Mesa routes), 95%; Marikina, 90%; Manila, 90%, at Cubao – 80%.
At sa mga rehiyon: Laguna, 95%; Baguio, 75%; Davao, 95%; Nueva Vizcaya, 100%; Pampanga, 98%; Rizal, 95%; Bulacan, 100%; Albay, 95%; Camarines Sur, 90%; Masbate, 80%; Butuan City, 100%; GMA Cavite, 100%; Surigao City, 60%, at Cebu City, 50%.
Gayonman, iginiit ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB), ang transport strike ay walang impact, ipinuntong ang public transport system ay hindi naparalisa taliwas sa pahayag ng PISTON.
Sinabi ni LTFRB board member Atty. Aileen Lizada, nag-dispatch sila ng 17 mula sa 78 emergency vehicles, para sa libreng sakay.
1,140 COMMUTERS
STRANDED SA METRO
TINATAYANG aabot sa 1,140 commuters ang na-stranded sa isinagawang transport strike ng transport group kahapon.
Ayon ito sa isinagawang monitoring ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay Edward Gonzales, MMDA Rescue Emergency Group head, sa 74 pribado at pampublikong behikulong idineploy, 27 ang nakapagsakay dahil ang ibang commuters ay sumakay sa ferry, na karamihan ay nagtatrabaho sa mga pribadong tanggapan.
Taliwas ito sa paha-yag ng transport group sa pangunguna ng Piston, na malaking porsiyento sa Metro Manila ang naapektohan sa kanilang strike.
Ayon kay Gonzales, sa 10 milyong commuters, nasa .011 porsiyento lang ang apektado ng isinagawang tigil pasada ng transport group.
Wala aniyang gaanong naapektohan dahil walang pasok sa mga paaralan at tanggapan ng gobyerno.
(JAJA GARCIA)
TRANSPORTASYON
SA CAMANAVA
‘DI NAPARALISA
NABIGONG maparalisa nang tuluyan ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) and transportasyon sa mala-king bahagi ng CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) bunga nang maagang paghahanda ng mga lokal na pamahalaan.
Nagsimula ang protesta ng militanteng grupo ng transportasyon sa pangunguna ni George San Mateo, bago pa man mag-6:00 am ngunit hindi sumama ang malaking bilang ng iba’t ibang grupo kaya’t nakapasok sa kani-kanilang trabaho ang mga nasa pribadong sektor sa Caloocan at Valenzuela.
Bagama’t dumalang ang mga pampasaherong jeep pasado 10:00 am, naging dahilan upang unti-unting dumami ang mga pasahero sa Monumento at sa MacArthur Highway, hindi nagtagal ang pagkaantala ng commuters makaraang iutos ni Mayor Oscar Malapitan ang paglalabas ng asian utility vans (AUV) ng lokal na pamahalaan para maghatid ng libre sa mga pasahero.
Napag-alaman, bagama’t idineklarang walang pasok ang lahat ng antas ng klase at kawani ng pamahalaan, inatasan ni Mayor Mala-pitan ang mga tsuper ng lokal na pamahalaan na pumasok sa kanilang trabaho upang maghatid ng mga mai-stranded na pasahero.
Sa Navotas City, maaga pa lang ay iniutos na ni Mayor John Rey Tiangco ang pagbiyahe ng mga inarkilang bus at van, pati na ang kanilang “amphibian vehicles” para sa libreng sakay lalo na’t aktibo ang mga miyembro ng PISTON sa naturang lungsod.
Sinabi ni Mayor Tiangco, may mga lugar sa Navotas na pinostehan talaga ng kanilang mga inarkilang bus at van na magkakaloob ng libreng sakay kaya’t hindi mas-yadong ininda ng mga pasahero ang tigil-pasada.
May iniulat na pag-harang ng mga miyembro ng PISTON sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Valenzuela City sa mga nagnanais pumasada kaya’t iniutos ni Mayor Rex Gatchalian ang pagpapakalat ng mga pulis upang tugunan ang reklamo kaugnay sa ilegal na ginagawa ng mga tsuper na lumahok sa tigil-pasada.
(ROMMEL SALES)