MAGLALAGAY ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng kanilang opisina sa loob ng Bureau of Customs at Bureau of Corrections, ngayong ipinasa na sa kanila ang buong tungkulin sa anti-drug operations ng gobyerno, ayon sa spokesperson ng ahensiya nitong Sabado.
Sa panayam ng radio dzBB, sinabi ni PDEA Public Information Office Chief Derrick Carreon, nakipagpulong si Director General Aaron Aquino sa BuCor officials nitong Huwebes upang talakayin ang mga plano para sa PDEA office sa loob ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
“Tumulak po siya (Aquino) sa Bureau of Corrections para makipag-pulong sa direktor ng BuCor…Nasa usapan po, katulad ng Bureau of Customs, ay bibigyan tayo po ng opisina sa loob ng BuCor,” pahayag ni Carreon.
Idinagdag niyang ang mga opisinang ito ay ilalagay “hopefully within the coming months, until early November eh mag-materialize yan.”
Sinabi ni Carreon, mag-oopisina ang PDEA, bilang tanging ahensiya ng gobyerno laban sa ilegal na droga, sa loob ng BuCor at BoC dahil ang mga eryang ito ay “critical” areas sa drug activity.
“Magkakaroon nga po ng dedicated office ang PDEA dito po sa mga tanggapan ng mga ahensiyang ito dahil kritikal, dito nga po napapaulat na naglilipana ang illegal drug activities, whether ‘yung nagmamando or nagpapalusot through smuggling, nariyan po lahat,” aniya.