UMABOT sa 18 domestic flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang nakansela matapos isara ang runway sa Iloilo International Airport nang sumadsad ang isang eroplano ng Cebu Pacific.
Ipinahayag ng Cebu Pacific, 12 flights ang kanilang kinansela na apektado ang biyaheng Manila-Iloilo-Manila 5J447/448, Manila-Iloilo-Manila 5J449/450, Manila-Iloilo-Manila 5J451/452, Manila-Iloilo-Manila 5J453/454, Manila-Iloilo- Manila 5J457/458, at Manila-Iloilo-Manila 5J467/468.
Gayonman binigyan nila ng pagpipilian ang mga pasahero sa mga kanseladong flight na: i-rebook ang kanilang biyahe sa loob ng 30 araw mula sa orihinal na departure date; o kaya ay mag-reroute sa alternatibong estasyon gaya sa Roxas, Bacolod o Kalibo para sa domestic flights; Cebu o Maynila sa mga biyahe patungo at mula sa Singapore; o maaari rin silang mag-refund.
Maaari rin silang magpalit ng free round-trip travel voucher. Para sa flight details, ang mga apektadong pasahero ay pinapayohang tumawag sa Cebu Pacific hotline (+632)702-0886, o magpadala ng mensahe sa official Cebu Pacific pages sa Facebook (https://www.facebook.com/ cebupacificair), o Twitter (@CebuPacificAir) para sa pagpapalit ng flight schedules o sa para sa iba pang pagpipilian na nabanggit sa itaas.
Samantala, may anim na PAL Express flights ang apektado, ang biyaheng Manila-Iloilo-Manila 2P2139/2140, Manila-Iloilo-Manila 2P2141/2142, at Manila-Iloilo-Manila 2P2143/2144.
Nauna rito, nag-isyu ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng notice to airmen (NOTAM) na nagsuspendi sa operasyon ng Iloilo International Airport hanggang mamayang 6:00 pm, makaraan mag-overshoot ang isang eroplano ng Cebu Pacific nang lumapag dakong 11:10 pm nitong Biyernes.
Ligtas ang 180 pasaherong sakay ng naturang eroplano. (GMG)